AKO SI SHERLY JIMENEZ. Isa lamang akong ordinaryong kabataan na ang tanging goal sa buhay ay ang makapagtapos ng pag-aaral. Nag-iisang anak lang ako ng mag-asawang naglilingkod sa bayan bilang mga pulis. Grade Nine na dapat ako sa susunod na pasukan. Pero dahil nadestino sa isa sa mga bayan ng Baguio ang magulang ko, napilitan kaming lumipat ng bahay. Mabigat man sa kalooban ko, kailangan kong mag-transfer ng school.
Malayung-malayo sa kinalakihan ko ang bayang nilipatan namin. Kahit pa kilalang capital summer of the Philippines ang Baguio, sadyang napakatahimik at probinsyang-probinsya ang dating sa lugar na ito. Nasanay kasi ako sa maingay at magulong lungsod ng Maynila.
Hindi naging madali sa akin ang pumasok sa bago kong school. Lalo na’t may abilidad akong tinatago na tanging mga magulang ko lang ang nakakaalam.
Bukas ang third-eye ko.
Nagsimula ko lang maranasan ang ganito matapos akong mabangga ng jeep sa Blumenritt. Kung hindi ako nagkakamali, sampung taong gulang palang ako noon. At ang kwento sa akin ng mga magulang ko, halos dalawang linggo raw akong na-comatose.
Isang himala daw ang muli kong paggising.
Nang muli kong idinilat ang aking mga mata, kaaagad kong nasilayan ang patay na Nurse sa kwarto kung saan ako naka-admit. Hinding-hindi ko makakalimutan ang itsura ng nurse na iyon. Ang kulay puti nitong uniform ay naging kulay pula dahil sa natuyong dugo. Hindi ko makita ang kanyang mga mata dahil sa sobrang itim nito. Namumutla ang balat, at bitak-bitak ang nangingitim rin niyang mga labi.
Takot na takot ko noong mga panahong iyon. At aaminin ko, hanggang ngayon ay hirap pa rin akong kontrolin ang abilidad kong ito. Kahit ilang beses kong dinidedma ang mga ligaw na kaluluwang nagpaparamdam sa akin ay hindi ko magawa.
Sa paglipat ko sa bago kong school, isang pagsubok kaagad ang bumungad sa akin. Madalas kong napapansin ang isang babaeng nakatayo sa itaas ng rooftop kahit nasa gitna ng klase ang buong eskwelahan. Alam kong isa siyang estudyente dahil ang uniform na suot niya ay katulad ng uniform namin. Kaya naman nakakapagtatakang bakit naroroon lagi ang babaeng iyon samantalang halos lahat ng estudyante ay nasa loob ng kani-kanilang classroom.
“Tara na, Sherly! Kain tayo sa cafeteria!” aya sa akin ng kaklase kong si Pamela matapos tumunog ang bell sa buong eskwelahan budyat na lunch break na.
“Ha? S-sige…Sige!” tugon ko naman pero panay pa rin ang pagsulyap ko sa rooftop kahit wala na roon ang babaeng kaninang tinitignan ko.
“Sino kasi ang tinitignan mo roon?” usisa nito at nakitingin na rin.
“W-wala! Napansin ko kasi na makulimlim ang langit. Mukhang uulan yata!” katwiran ko na lang.
“Oo nga noh?” pagsang-ayon na lang nito.
“Tara na!” aya ko na sa kanya.
Kahit nasa stage pa rin ako ng pag-aadjust ay nagawa ko pa ring makipagkaibigan sa iba kong mga kaklase. Isa na roon ay si Pamela De Leon. Katulad ko ay galing rin siyang Maynila. Iyon nga lang, last pa siyang nagtransfer kaya naman medyo sanay-sanay na rin siyang makipagsalamuha sa ibang estudyante.
Madalas kaming magkasabay ni Pamela na kumain sa cafeteria. Kasama rin namin sa table ang iba naming kaklase na babae na may kanya-kanyang topic. Tahimik lang ako at lihim na nakikisabay sa pinag-uusapan nila. Nasa ganoon naman kaming pagke-kwentuhan nang umupo sa katabi naming table ang ‘heartthrob’ daw ng campus na si Bryan Diaz. Nagsimulang kiligin ang iba kong kaklaseng babae. Hindi ko naman sila masisi dahil aaminin ko rin na may kaguwapuhan nga siyang taglay. Mestizo at matangkad ito. Aaminin ko rin na nagkaroon ako ng lihim na pagtingin sa kanya pero hindi ko sinasabi kanino man. Sinusulyapan ko na lang siya ng palihim mula sa aking kinauupuan.
Kasalukuyang nagkikwento si Pamela tungkol sa kahusayan ni Bryan sa Basket Ball nang may napansin akong imahen ng isang babae ang mabilis na dumaan sa likuran nito. Ang buong akala ko ay isa lamang iyon sa mga istudyanteng nagpapalakad-lakad sa naturang cafeteria’ng iyon. Pero makailang ulit na parang kidlat sa bilis na napapadaan sa sulok ng mata ko ang imaheng iyon. At nang mapatingin ako sa table na kinaroroonan ni Bryan, saka naman nagsimulang magtaasan ang mga balahibo ko sa katawan dahil nakita ko ito sa mismong likuran ng binata.
Kung hindi ako nagkakamali, kawangis ng babaeng ito ang babaeng madalas kong nakikita nakatayo sa rooftop. Mahaba at tuwid na tuwid ang buhok nito. Namumutla ang balat, at bitak-bitak ang nanunuyo nitong mga labi. Halos hindi ko na rin makita ang mga mata nito dahil sa natatakpan ito ng bangs.
Ilang saglit lang ay unti-unti itong yumuko para yakapin buhat sa likuran si Bryan.
Parang wala naman iyon sa binata. Normal lang itong kumakain. ‘Ni wala rin nakakapansin rito maliban sa akin. Halos hindi na ako makagalaw sa aking kinauupuan nang dahan-dahang lumingon ito sa aking kinaroroonan, at saka gumuhit ang nakakakilabot nitong ngiti. Mabilis akong niyakap ng lamig.
“A…kin…lang… siya!”
Bigla akong napatayo sa aking kinauupuan nang marinig ko ang nakakakilabot na boses nito na parang nanggaling sa pinaka-ilalim ng lupa.
“Ano’ng nagyayari sa’yo?” biglang sita sa akin ni Pamela na siyang nagpabalik sa akin sa realidad. At nang muli kong tinignan ang kinaroroonan ni Bryan ay wala na roon ang babaeng nakayakap rito.
“A-ano kasi…” nauutal kong sabi. Pero bigla akong natigilan nang maramdaman kong parang may likidong tumulo sa kaliwang butas ng ilong ko. At nang pinunasan ko ito, laking-gulat ko nang makakita ako ng dugo.
“’Yung ilong mo, nagdurugo!” bulalas ni Pamela.
Aktong lalapitan pa sana niya ako nang biglang nagdilim ang buo kong paligid. Sa isang iglap lang, bumagsak ako sa sahig. Nawalan ako ng malay-tao sa gitna ng cafeteria.
ITUTULOY…
...CHAPTER TWO...
HINDI KO NA ALAM KUNG ANO ANG MGA SUMUNOD NA NANGYARI. Natagpuan ko na lang ang aking sarili na nakatayo sa tapat ng gusali ng mga Elementary Student. Walang katao-tao sa paligid. At base sa nakikita ko, mukhang magtatakip-silm na, at makulimlim pa ang kalangitan. Hindi ko alam pero may nagtulak sa akin na tumingala sa itaas ng gusali.
Pero bigla akong nanigas sa kinatatayuan ko nang makita ko ang isang babae na parang lantang-gulay na nahulog mula sa itaas.
Sa mismong harapan ko siya bumagsak. Kitang-kita ko ang dilat niyang mga mata na parang nakadiretsong nakatingin sa akin. At lalo pa nagpadagdag sa takot ko nang makita ko ang mabilis na pagdaloy ng sariwa nitong dugo sa sementadong lupa.
“Eeeeeeeekkkkkk!!!!!!!” malakas kong tili. At ang pagtili kong iyon ang siyang naging dahilan para magising ako sa masamang bangungot na iyon. Napabalikwas ako sa aking higaan. Pawis na pawis ako, at halos hinahabol ko ang aking hininga. Lihim akong nagpasalamat dahil panaginip lang pala ang lahat. Pero naroroon pa rin ang takot at kilabot kaya naman niyakap ko ang aking sarili. Parang tumatak sa aking isipan ang nakakakilabot na itsura ng babae sa panaginip ko.
Nasa ganoon akong kalagayan nang nagmamadaling dumating ang isang babaeng nakasuot ng medical uniform. Kung hindi ako nagkakamali, siya ang school doctor.
“Sherly, ano’ng nangyari sa’yo?”
Napabaling ang tingin ko sa isa pang babaeng dumating, “Nanay….” Usal ko nang makilala ko siya. Kusa na ring bumuka ang aking mga bisig para yakapin ito.
“Ano bang nangyari?” nag-aalalang hinimas-himas nito ang aking buhok, “M-mainit ka, ah!”
Dahil sa sinabing iyon ng Nanay ko ay kaagad akong sinuri ng doctor, “Nahihilo ka ba? Gusto mo bang dalhin ka namin sa mismong hospital?” nag-aalalang tanong nito.
“H-hindi na po,” tanggi ko, “Hindi rin po ako nahihilo.”
“Misis, ang mabuti pa ay iuwi n’yo na lang siya para makapagpahinga…” mungkahi ng doctor, “…Gagawa na rin ako excuse letter para sa kanya.”
“Salamat po, Doc!” sabi ni Nanay sabay ang pagbaling sa akin.
Matapos usapang iyon, pinagpasya ni Nanay na iuwi ako sa bahay namin. Pero hindi ko tinangkang sabihin sa kanya ang tungkol sa misteryong babaeng nagpararamdam sa akin. Malaking katungan pa rin kasi sa akin kung sino nga ba talaga ang babaeng iyon.
“Sophia.”
Iyon ang pangalan ng babae. Pero bakit sa dami-daming lalaki sa cafeteria kanina, bakit kay Bryan lang ito yumakap?
“Akkinnn llllaaaannngggg siiiiyyyaaaa….”
Parang umaalingawngaw pa sa tenga ko ang nakakakilabot nitong boses dahilan ng pagtaas ng mga balahibo sa buo kong katawan. Parang nararamdaman ko ang bigat ng kalooban niya. Parang may gusto siyang iparating sa akin.
Kinabukasan, kahit wala na akong lagnat at okay na ang pakiramdam ay hindi pa rin ako pinayagan nila Tatay at Nanay na pumasok sa school. Maski sila ay tinatanong ako kung ano daw ba ang ginawa ko, at bakit nilagnat ako.
“Nag-aadjust pa rin po kasi ako sa klima. Sa Manila po kasi mainit pagdating dito sa Baguio malamig. Para nga po tayong nasa ibang bansa,” pabiro kong katwiran sa kanila na siyang may katotohanan naman talaga.
“Masasanay ka rin,” hinawakan ni Nanay ang kamay ko, “Hindi ka na nilagnat ngayong araw, pwede ka nang pumasok ng school bukas.”
Hindi ko alam kung matutuwa pa ako sa sinabing iyon ni Nanay. May parte kasi ng kalooban ko na gusto kong pumasok kasi gusto ko rin makita si Bryan— I mean… mga kaklase ko. Pero kapag naalala ko ang tungkol sa babaeng si Sophia parang may takot akong nararamdaman.
Nang muli akong pumasok sa school kinabukasan, si Pamela ang unang sumalubong sa akin. Nagawa pa nga niya akong yakapin ng mahigpit na akala mo ay kay tagal naming hindi nagkita. At ang timbre ng boses nito ay talagang napakasigla. Pinagtinginan pa nga kami ng iba naming kaklase, eh!
“Sherly, kamusta ka na? Wala ka nang lagnat? Okay ka na ba?” sunod-sunod nitong tanong sa akin.
“Okay na ako. Kahapon pa ako walang lagnat, pero hindi ako pinayagan ni Nanay ko na pumasok kahapon,” natatawang tugon ko sa kanya.
“Oh, I see…” komento nito.
“Ano ka ba? Ang lakas-lakas ng boses mo. Pinagtitinginan tuloy tayo,” nahihiyang saway ko sa kanya.
“Eh, namiss lang kasi kita eh! Saka—” At aktong magsasalita pa sana ito nang dumating na ang chemistry teacher namin si Miss Ancheta. Kaya hindi na nito natapos pa ang sasabihin.
Umupo na kami sa kani-kanya naming desk. At sa muling pagkakataon, natanaw ko na naman ang Rooftop buhat sa bintana. Wala naman akong nakikita ngayon. Pero ramdam ko ang kilabot sa aking buong katawan.
Lumipas ang ilan pang araw, pinilit kong dedmahin ang babae sa rooftop kahit pa madalas ko pa rin siyang nakikita roon. May ilang bagay na din akong napansin. Tumitindi ang pagpaparamdam niya sa akin sa tuwing sasapit ang araw ng biyernes, pagpatak ng ala-singko ng hapon kung saan wala nang istudyante sa gusali ng mga Elementary Student.
Minsan hanggang rooftop lang siya. Pero may mga araw talaga na grabe kung magparamdam siya sa akin. Minsan kahit nasa gitna ng discussion ang teacher namin ay biglang lilipad ang utak ko. Makikita ko na naman ang sarili ko sa tapat ng gusali ng mga Elementary Student. At eksakto pa sa eksenang mahuhulog si Sophia mula sa itaas ng Rooftop. At paulit-ulit kong nakikita ang kalunos-lunos niyang itsura.
“Sophia!” wala sa loob na tawag ko sa kanyang pangalan. Napabalikwas pa ako sa aking kinauupuan dahil pakiramdam ko ay bigla akong nahulog. Pero bigla rin akong natigilan nang mapagtanto kong nasa gitna kami ng klase. At nakatingin na sa akin ang lahat, maski ang teacher namin.
“Miss Jimenez, mukhang puyat ka yata at nagawa mong matulog sa klase ko?” biglang tanong ni Miss Ancheta nab akas ang pagkairitable sa mukha niya
“Ahhh…ano po kasi…” napabaling ang tingin ko sa iba kong klase dahil nagsimula na silang magbungisngisan. Pero bigla akong napahawak sa ilong dahil naramdaman ko na namang may likidong tumulo roon.
“Are you okay?” nakapamewang pa si Miss Ancheta.
“Y-yes, Ma’am! Ano lang kasi… M-may I go out?” hiling ko na lang.
“Okay fine!” napabuntong-hininga na lang ito.
Nagmamadali na akong lumabas ng classroom namin habang hawak ko ang aking ilong.
...ITUTULOY…...
Download NovelToon APP on App Store and Google Play