English
NovelToon NovelToon

Akala

Akala

…AKALA…

Magkababata si Arjay at Jon Ray, lumaki silang matalik na magkaibigan dahil na rin sa malapit na magkakaibigan ang kanilang mga magulang, at kung tutuusin ay para na silang isang pamilya. Magkapit bahay ang dalawang pamilya, madalas ay nasa bahay nila Arjay ang dalawa naglalaro ng play station ng Tekken o kaya ay sa personal computer ng Red alert.

“Ang daya mo naman eh.” Sabi ni Arjay

“Hindi no, magaling lang talaga ako.” Pagyayabang ni Jon Ray

“Iba na lang laruin natin.” Pag-aaya ni Arjay

“Pagod na ako eh, kain muna tayo.” Sabi ni Jon Ray

“Ok sige, papahanda ako kay yaya ng merienda.” Sabi ni Arjay

Tuwing Sabado ay ganito lamang ang kanilang ginagawa, dahil pag Lunes hanggang Biyernes ay abala sila sa school, grade 4 na sila at maayos naman ang kanilang mga grades sa school. Kahit sa school ay sila pa din ang madalas na magkasama, madalas tampulan ng tukso si Arjay dahil mahilig lamang siyang magbasa ng libro at walang hilig sa sports, madalas siyang tinutuksong bakla.

“Jon Ray! huwag na natin isali yan si Arjay.” Sabi ni Tony

“Ha bakit naman?” Tanong ni Jon Ray

“Bakla naman yan eh.” Sagot ni Tony

“Wahh!!! Bakla pala eh.” Sabi ng iba pa nilang kaklaseng lalaki

“Anong sabi mo?” Tanong muli ni Jon Ray na may yamot.

“Sabi ko bakla sya, hindi nga marunong mag basketball yan eh.” Sagot ni Tony sabay turo kay Arjay.

“Wag mo na patulan, hayaan mo na hindi na lang ako sasali sa laro.” Sabi ni Arjay

“Ay ang sweet naman, boyfriend mo ba sya?” Pang-iinsulto ni Tony

“Magbest friend kami.” Sagot ni Arjay

“Tigilan mo na si Arjay sabi eh!” Bulyaw ni Jon Ray sabay tulak kay Tony

“Ayoko nga sya kasama sa touching ball matatalo lang tayo.” Sabi ni Tony sabay bato ng bola sa ulo ni Arjay

“Siraulo ka pala eh!” Sigaw ni Jon Ray sabay bitaw ng isang sapak kay Tony

Walang makaawat sa dalawang bata habang sila ay nag-aaway ang iba nilang kaklase ay gumagatong pa, aawat sana si Arjay pero pinipigilan sya ng kanyang mga kaklase. Nasapak sa kanang mata si Jon Ray, pero gumanti agad ito ng isa pang sapak sa panga ni Tony. Hindi na napigil si Arjay ng kanilang mga kaklase pumagitna sya sa dalawa, pero naitulak siya ni Jon Ray at nauntog ang kanyang ulo sa pader, at nawalan ng malay.

“Arjay! Arjay! Gumising ka.” Nilapitan agad ni Jon Ray ang kaibigan

“Wala akong kasalanan dyan.” Sabi ni Tony

“Tulungan nyo kami!” Pasigaw na paghingi ng tulong ni Jon Ray

Agad namang humingi ng tulong ang kanilang mga kaklase at dinala sa clinic si Arjay, nang magising ito ay ipinatawag silang tatlo sa guidance office.

“Si tony naman po ang nauna eh.” Sabi ni Jon Ray

“Anong ako, ikaw nga unang nanapak eh.” Pagtanggi ni Tony

“Wala akong pakialam kung sino ang nauna, mali ang ginawa nyong dalawa.” Sabi ng Guidance councilor

“Sorry po ma’am ako po talaga ang may kasalanan.” Pagsabat ni Arjay

“Paanong ikaw?” Tanong ng Guidance councilor

“Kasi ayaw ako isali ni Tony sa laro, kaso pinipilit ni Jon Ray.” Sagot ni Arjay

“Totoo ba yunTony, bakit ayaw mo isali sa laro si Arjay?” Tanong ng Guidance councilor

“Eh hindi naman po marunong maglaro yan malambot pa yan sa jelly ace, balkla yan.” Sagot ni Tony na may halong panglilibak kay Arjay

“Ikaw Jon Ray anong gusto mong sabihin.” Sabi ng Guidance councilor sabay tingin kay Jon Ray

“Inaasar nya po kasi si Arjay, kaya pinagtanggol ko lang, kaya sinapak ko sya.” Paliwanag ni Jon Ray

“At sa tingin mo tama ang ginawa mo?” Tanong ng Guidance councilor

“Sorry po ma’am hindi na po namin uulitin.” Sabay sabay na sinabi ng tatlong bata habang nakayuko

Pinalampas muna ng guidance councilor ang nangyari at binigyan na lamang muna sila ng warning, pero sa susunod na uulitin nila ito ay ipapatawag na ang kanilang mga magulang.

Pauwi na sila ng bahay habang nakasakay sila sa school service ay pinag-uusapan nila ang nangyari, may black eye na si Jon Ray sa kanang mata at si Arjay ay may bukol naman sa ulo.

“Malalagot tayo nito pinatulan mo pa kasi eh.” Paninisi ni Arjay kay Jon Ray

“Ikaw na nga pinagtanggol ko ikaw pa galit.” Sabi ni Jon Ray

“Eh ano sasabihin natin sa mama at papa mo bakit ka may black eye?” Tanong ni Arjay

“Sasabihin natin tinamaan ako ng bola sa mata.” Sagot ni Jon Ray

“Ha! magsisinungaling tayo?” Gulat na tanong ni Arjay

“Pumayag ka na para hindi tayo mapagalitan.” Pamimilit ni Jon Ray

“Eh paano ito?” Tanong ni Arjay sabay turo sa bukol niya

“Sasabhin natin nagkauntugan tayo nung tinamaan ako ng bola.” Sagot ni Jon Ray

“Maniniwala kaya sila eh wala ka naman bukol.” Pag-aalinlangan ni Arjay

“Ganito lang yan.” Sabi ni Jon Ray sabay pupok sa ulo niya ng baunan na gawa sa bakal

“Ano ba yang ginagawa mo!” Gulat na sinabi ni Arjay

“Aray ko po!” Naluluhang sinabi ni Jon Ray

“Ewan ko sa’yo ayan tuloy.” Sabi ni Arjay

“Best friend kita kaya ko ‘to ginagawa.” Sabi ni Jon Ray

Ganoon nga ang kanilang pinaliwanag sa kanilang mga magulang naniwala naman ang mga ito, at sinabihan na lamang sila na mag-ingat na lamang sila sa susunod.

Lumipas ang mga araw at naging maayos naman ang lahat, hindi na inaasar si Arjay ng kanyang mga kaklase at maging si Tony ay naging mabait na rin sa kanya.

Isang araw habang sila ay naglalaro ng kanya kanyang gameboy boy sa kama ni Arjay ay biglang may naitanong si Jon Ray kay Arjay na ikinagulat ng huli.

“Arjay may itatanong ako sa’yo.” Panimula ni Jon Ray

“Ano yun?” Tanon ni Arjay

“Sinong crush mo sa school?” balik na tanong ni Jon Ray

“Crush? Wala, bata pa ako wala pa sa isip ko yan.” Sagot ni Arjay

“Weh! Wala talaga?” Makulit na tanong ni Jon Ray

“Oo nga, hindi pa nga tayo tuli eh.” Sagot muli ni Arjay

“Sa bakasyon di ba magpapatuli na tayo.” Sabi ni Jon Ray

“Eh ano naman?” Tanong ni Arjay

“Pagtuli na ako, pwede ko na ligawan si Jenny.” Sagot ni Jon Ray

“Bakit sya ba ng crush mo?” Tanong ni Arjay

“Oo, wag ka maingay ha.” Sabi ni Jon Ray

“Ang baduy mo, kaya pala may flames sa likod ng notebook mo, ewww.” Pang-aasar ni Arjay

“Pagnalaman ko kung sino crush mo lagot ka sa akin.” Sabi ni Jon Ray, sabay bato ng unan kay Arjay

Naghahampasan sila ng unan at nag-aasaran, may ilang pagkakataon din na kinikiliti ni Jon Ray si Arjay. Sa kanilang kakulitan ay hindi namalayan ni Arjay na nasa dulo na siya ng kama, akmang malalaglag na siya ay hinila siya ni Jon Ray, pero nadulas pa din si Arjay sa kumot kaya nalalag sila sa kama, pumaibabaw si Jon Ray kay Arjay at sa hindi inaasahang pangyayari ay naglapat ang kanilang mga labi, ilang Segundo din silang nasa ganitong posisyon hanggang sa tinulak ni Arjay si Jon Ray

“Ang bigat mo umalis ka nga.” Sabi ni Arjay sabay tulak kay Jon Ray

“Arjay, ikaw ang 1st kiss ko hala.” Sabi ni Jon Ray na nakahawak sa mga labi nito

“Hi-hindi… hindi kiss yun.” Pagtanggi ni Arjay

“Ha eh nagkiss tayo, bakit para akong nakuryente?” Pagtataka ni Jon Ray

“Hindi nga kiss yun, ano… aksidente yun, nagdikit lang lips natin.” Sagot ni Arjay

“Ha, okay sabi mo eh.” Pag-sang ayon ni Jon Ray

Biglang tumayo si Arjay at may kinuha sa kanyang cabinet, isang kahon na gawa sa bakal iniabot niya ito kay Jon Ray.

“Ano ‘tong box na to?” Tanong ni Jon Ray

“Buksan mo.” Utos ni Arjay

“O ayan na, wala naman laman eh.” Sabi ni Jon Ray

“Wala pa sa ngayon, pero lalagyan natin yan.” Sabi ni Arjay

“Lalagyan ng ano?” Tanong ni Jon Ray

“Mga wish natin, kung ano gusto nating regalo sa darating na pasko at sa birthday natin, isang wish lang kada pasko tapos birthday natin.” Sagot ni Arjay

“Parang exchange gift?” Tanong muli ni Jon Ray

“Hindi, bawal natin silipin yung nakalagay sa papel, dapat makumpleto natin ang simbang gabi every year, para matupad yung wish natin, pero secret pa din, sasabihin lang natin kung natupad yung wish natin.” Paliwanag ni Arjay

“Okay sige sabi mo eh.” Pag sang-ayon ni Jon Ray

“Bawal mag-absent sa simbang gabi ha.” Sabi ni Arjay

“Oo na basta gigisingin mo ako ha.” Sabi ni Jon Ray

“Oo naman, kasi gusto ko kasama kita lagi magsimba eh.” Sabi ni Arjay

Ganoon nga ang kanilang ginawa nilagay nila sa box ang una nilang wish at kinumpleto nila ang siyam na araw ng simbang gabi, maaga silang gumigising para siguradong makakaupo sila malapit sa may altar. Pagkatapos magsimba ay nakaugalian na din nilang bumili ng puto bumbong at bibingka.

Dumating ang araw ng kapaskuhan sabay na nag celebrate ang kanilang mga pamilya sa labas ng bakuran nila Arjay, masaya ang lahat lalo na’t dumating din ang iba pang makag anak ni Arjay para sa kanila mag celebrate ng Pasko. Madaming handa, may fruit salad, cake, spaghetti at mga ulam tulad ng caldereta baka at afritadang manok.

“Arjay ang saya-saya ko.” Sabi ni Jon Ray

“Bakit naman?” Tanong ni Arjay

“Kasi yung gift na gusto ko nakuha ko.” Sagot ni Jon Ray

“Ay wow naman, sabi ko sa’yo eh dapat next year ulit makumpleto natin ang simbang gabi.” Sabi ni Arjay

“Ikaw ba nakuha mo yung wish mo?” Curious na tanong ni Jon Ray

“Oo naman akala mo ba ikaw lang syempre ako din.” Sabi ni Arjay

Sa paglipas ng mga taon ay lagi nilang tinutupad ang kanilang pangako na kukumpletuhin nila ang simbang gabi, at sa pagkumplemto nila ay nakukuha naman nila ang kanilang hinihiling na regalo maging sa kanilang mga birthday.

Hindi na ata mapaghihiwalay ang dalawang ito, bakasyon noong sila ay nasa grade five ay sabay pa silang nagpatuli. Sa ngayon ay nasa highschool na sila 3rd year highschool na silang dalawa, si Jon Ray ay naging player ng baskeball sa kanilang school samantalang si Arjay naman ay nag focus sa pag-aaral.

“Libro na naman, samahan mo na lang ako gumala.” Sabi ni Jon Ray

“Nagrereview ako di mo ba nakikita?” Sabi ni Arjay

“Puro ka libro hindi ka na nga natuto ng kahit anong sports, sa P.E ako lagi sumasalo sa’yo para makapasa ka.” Pagmamalaki ni Jon Ray

“Salamat po, ok na ba?” Sarcastic na pasasalamat ni Arjay

“Maiba ako malapit na ang JS prom ready ka na ba?” Tanong ni Jon Ray

“Ano bang dapat paghandaan doon?” Balik na tanong ni Arjay

“Ang KJ mo talaga loosen up bro, bitawan mo muna yang libro mo.” Sabi ni Jon Ray

“Bago ang JS prom, exam muna, nag-aral ka ba?” Tanong ng yamot na si Arjay

“Madali na yun, mas excited ako sa JS prom.” Pagbalik ni Jon Ray sa usapan tungkol sa JS prom

“Bakit ka naman na eexcite doon?” Tanong ni Arjay

“Kasi sasagutin na daw ako ni Jenny! “Taas noong sagot ni Jon Ray

“Umuwi ka na nagbabasa pa ako, labas!” Pasigaw na utos ni Arjay, sabay tulak kay Jon Ray

“Uy, ano ba, sungit naman nito.” Sabi ni Jon Ray

“Sungit pala ha?” Sabi ni Arjay sabay pukpok ng libro sa ulo ni Jon Ray

“Aray oo na iiwanan na kita mahal na prinsepe.” Sabi ni Jon Ray bago ito umalis.

Nagdaan ang mga araw, nakapasa sila sa kanilang mga exam, Masaya nilang haharapin ang JS prom dahil wala na silang iisiping problema sa academics.

Araw ng JS prom lahat ng mga babae ay naggagandahan sa kanilang mga suot na gown, at napakakisig din naman ng mga kalalakihan sa kanilang mga tuxedo at amerkinang suot. Si Arjay ay nakasuot ng puting tuxedo at si Jon Ray naman ay kulay itim.

“Dyan ka lang ha aayain ko lang sumayaw si Jenny.” Sabi ni Jon Ray

“Sige na dito lang ako ayaw ko sumayaw.” Sabi ni Arjay

“Napaka KJ mo talaga, buti wala kang dalang libro.” Pang-aasar ni Arjay

“Ang dami mong alam!” Sabi ni Arjay na akmang sasapakin si Jon Ray

“Aalis na ako mahal na prinsepe haha.” Pang-aasar muli ni Jon Ray bago ito umalis

Pinapanood lamang ni Arjay ang kanyang mga kaibigan at mga kaklaseng nag sasayaw habang siya ay nakaupo lang at naglalaro sa kanyang cellphone. Ilang saglit pa ay bumalik si Jon Ray at hinila siya may gagawin daw sila.

“Saan ba tayo pupunta?” Tanong ni Arjay

“Basta halika na.” Sabi ni Jon Ray

Lumapit sila sa kanilang kaklase na si Julia, tinawag ito ni Jon Ray at sinabing nahihiya daw mag-aya si Arjay kaya siya ang pinalapit, pumayag naman si Julia, kaya hinila niya si Arjay para magsayaw ang dalawa. Umalis na si Jon Ray para balikan si Jenny, bakas sa mukha ni Arjay ang yamot sa ginawa ng kanyang kaibigan, pero ayaw naman niyang hiyain si Julia kaya isinayaw niya ang huli.

Alas dose na ng hating gabi ng matapos ang JS prom, masaya ang lahat sa bagong experience sa kanilang buhay, sinundo si Arjay at Jon Ray ng papa ni Jon Ray, papalabas sila ng school ng biglang hilahin ni Jon Ray si Arjay.

“May good news ako.” Panimula ni Jon Ray

“Wala akong pake.” Walang ganang sinabi ni Arjay

“Kami na ni Jenny sinagot na nya ako.” Sabi ni Jon Ray

“Edi kayo na.” Sabi ni Arjay sabay lakad palayo kay Jon Ray

“Uy wag ka na magalit, alam ko naman kasi crush mo si Julia eh.” Sabi ni Jon Ray

“O tapos dapat makialam ka?” Tanong ng galit na si Arjay

“Ang bagal mo kasi pumormo, eh may gusto din naman sa’yo yun.” Sabi ni Jon Ray

“Di porket crush ko sya dapat ko na sya ligawan.” Sabi ni Arjay.

Hindi na sila nagkibuan ng gabing iyon hanggang sa makauwi sila. Kinabukasan Sabado umalis ang kanilang mga magulang may pupuntahang convention, kaya ipinakiusap ng magulang ni Jon Ray na doon na lang muna matulog si Jon Ray sa bahay nila Arjay, pumayag naman ang magulang ni Arjay para may kasama din ang huli.

“Arjay, nasaan ka? Wag ka na magalit sa’kin.” Paghahanap ni Jon kay Arjay

“Naliligo lang ako, malapit na ako matapos!” Sigaw ni Arjay mula sa banyo

“Okay sige punta na lang ako room mo dun kita hintayin.” Sabi ni Jon Ray

Nagtungo si Jon Ray sa kwarto ni Arjay, katulad ng dati ay maayos ito di tulad ng kanyang kwarto na laging magulo, naupo siya sa kama ni Arjay nang may mapansin siyang naupuan niya, kinuha niya ito isang magazine, nanlaki ang kanyang mga mata sa kanyang nakita. Biglang naalala ni Arjay na naiwan niya ang magazine sa kama niya kaya agad siyang tumakbo papunta sa kanyang kwarto na nakatapis lang ng twalya.

“Arjay ano ‘to?” Yamot at naguguluhang tanong ni Jon Ray

“Akin na yan.” Kukunin ni Arjay ang magazine

“Sabihin mo muna sa akin bakit meron ka nito?” Tanong muli ni Jon Ray sabay layo ng magazine kay Arjay

“Wala ka ng pake dun.” Sabi ni Arjay sabay hablot ng magazine, di nya namalayan na nalaglag na ang twalya sa kanyang bewang

“Bold star ka na pala ngayon.” Pang-aasar ni Jon Ray

“Ay, lumabas ka nga muna haizt.” Sabi ni Arjay sabay takip ng magazine sa harapan niya

“Wala kang matatago sa’kin sabay tayong lumaki at nagpatuli, ilang beses ko na nakita yan.” Sabi ni Jon Ray

“Ewan ko sa’yo bakit mo ba kasi pinakialaman ‘to.” Sabi ng yamot na ring si Arjay

“Arjay magkaliwanagan nga tayo bakla ka ba?” direchong tanong ni Jon Ray

“Oo na, sige na masaya ka na? Sige na umuwi ka na alam ko galit ka.” Sagot ni Arjay

“Ugok, halika nga dito maupo ka.” Sabi ni Jon Ray sabay batok sa kaibigan

“Hindi ka galit?” Takang tanong ni Arjay

“Hindi, pero medyo weird lang kasi magbest friend tayo pero hindi ko naman napansin, oo malamya ka at ‘di ka marunong magbaskeball, malay ko ba.” Sagot ni Jon Ray

“Hindi ka nandidiri sa’kin?” Tanong ni Arjay

“Hindi, sabay na tayo lumaki no, pero umamin ka siguro pag magkatabi tayo natutulog hinihipuan mo ako no?” Pang-aasar ni Jon Ray

“Titi mong may asin, kapal mo!” Sabi ni Arjay sabay hampas sa ulo ni Jon Ray ng magazine

“Totoo hindi mo ako hinihipuan, o baka naman hinahalikan mo ako?” Pang-aasar muli ni Jon Ray

“Tamad ka nga magtoothbrush hahalikan pa kita, tsaka never sumagi sa isip ko na maging tayo, kadiri.” Sabi ni Arjay

“At sino ba nagsabing sasagutin kita, si Jenny lang ang laman ng puso ko.” Sabi ni Jon Ray

“Pero seryoso, thank you kasi hindi nagbago tingin mo sa akin.” Sabi ni Arjay

“Mahal na prinsepe, best friend kita, ano naman kung bakla ka, wala naman dapat mabago eh, ang mahalaga alam ko na yung totoo.” Paliwanag ni Jon Ray

“Pero sana sa ating dalawa lang to ha, ayoko madisappoint ang parents ko,” Pakiusap ni Arjay

“Oo yun lang naman pala eh, mga bata pa lang tayo nagtatakipan naman na tayo sa mga kalaokohan natin eh.” Sabi ni Jon Ray sabay kuha sa ulo ni Arjay para ihiga sa balikat niya.

Kapag totoo ang pagkakaibigan ay hindi hadlang ang kasarian, at ito ang pinatunayan ni Arjay at Jon Ray. Sa paglipas ng mga araw ay naging normal ang kanilang pakikitungo sa isa’t-isa hanggang sa pagdating ng kanilang pagtatapos sa Highschool. Kasama sa top 10 si Arjay at may mga awards siyang nakuha, samantalang si Jon Ray naman ay naging MVP sa basketball, dala din niya ang trophy sa pagkakapanalo ng kanilang school laban sa ibang school.

Dumating ang college life, sabay silang nag exam sa University at nakapasa sila, parehas sila ng kinuhang kurso Information Technology at hindi pa din sila pinaghihiwalay dahil magkaklase pa din silang dalawa. Dalawang taon na ring nasa relasyon si Jon Ray at Jenny, lagi namang nakasuporta si Arjay para sa kanyang kaibigan.

“Langya talaga Arjay mula kinder classmates na tayo, hanggang college talaga?” Sabi ni Jon Ray

“Nakakahiya naman sa’yo luging lugi ka eh.” Sabi ni Arjay

“Ha,ha tampo agad, joke lang yun, syempre masaya ako, kasi di ba promise natin walang iwanan.” Paliwanag ni Jon Ray

“Oo na mang-uuto ka lang eh, para ako na tumapos ng project natin.” Sabi ni Arjay

“Hindi naman grabe ka talaga sa akin.” Sabi ni Jon Ray na nagpapacute pa

“Hindi uubra yang pagpapacute mo, nakakarimarim.” Sabi ni Arjay

“By the way, samahan mo ako ha kain tayo sa labas, magkikita kami ni Jenny.” Pag-aaya ni Jon Ray

“Date nyo isasama mo pa ako.” Sabi ni Arjay

“Sumama ka na para sabay na tayo umuwi.” Pamimilit ni Jon Ray

Napapayag din ni Jon Ray kanyang kaibigan na sumama sa kanya nang matapos ang kanilang klase ay nagpunta sila sa isang fastfood malapit sa kanilang university para makipagkita kay Jenny.

“Kumusta ka na Arjay.” Tanong ni Jenny

“Uhmm, Okay na okay naman ako.” Sagot ni Arjay

“Nga pala sabay ka ba uuwi sa amin?” Tanong ni Jon Ray kay Jenny

“Ay hindi muna babe magkikita kasi kami ni mommy nagpapasama sya.” Sagot ni Jenny

“Di ba si Julia yun?” Tanong ni Jon Ray

“Oo nga sya nga ata.” Di siguradong sagot ni Arjay

“Julia, dito ka na umupo sa table namin.” Pag-aaya ni Jenny

“Oh my gee, kayo pala yan, tagal na natin di nagkita.” Sabi ni Julia bago umupo sa tabi ni Arjay

“Ano pala ginagawa mo dito?” Tanong ni Jon Ray

“Ah, yung book na need ko kasi sa nursing sa bookstore sa tabi ng university nyo lang daw mabibili eh.” Sagot ni Julia

“Kumusta ka na?” tanong ni Arjay

“I’m fine naman, ikaw kumusta lalo kang gumagwapo ah.” Sagot at papuri ni Julia kay Arjay

“Hindi naman, pero ok lang naman ako.” Sabi ni Arjay sabay kamot sa ulo na namumula

“Alam mo ba Julia single pa din yan.” Sabi ni Jon Ray

“Oo nga, gusto ata babae pa ang manligaw sa kanya.” Dugtong ni Jenny

“Talaga ba, baka masyado ka naman kasing pihikan sa babae.” Sabi ni Julia

“Ikaw Julia di ba single ka pa din?” Tanong ni Jenny

“Ano ba kayo nang-aasar na naman kayo kumain na lang tayo.” Sabi ni Arjay na naaaligaga

“Nacoconcious sya uy!” Pang-aasar ni Jenny

“Ngayon pa lang nagbibinata ang best friend ko haha.” Dugtong na pang-aasar ni Jon Ray

Naging Masaya pagkikita ng apat na dating magkakaklase, lumipas ang ilang oras na kwentuhan at catch up, hanggang sa dumating ang mommy ni Jenny para siya ay sunduin, si Julia naman ay babalik na sa kanyang dorm dahil may tatapusin pa siyang research, si Arjay at Jon Ray naman ay umuwi na din dahil malayo pa ang kanilang mga bahay sa university.

“Bakit hindi mo ligawan si Julia?” Tanong ni Jon Ray

“Ligawan si Julia, ako talaga?”balik na tanong ni Arjay

“Oo alangan namang ako.” Pang-aasar na sagot ni Jon Ray

“Alam mo naman kung ano ako di ba?” Tanong ni Arjay

“Oo, pero sabi nga nila di ba sa love naman hindi importante ang gender, ang importante ay mahal mo sya.” Sabi ni Jon Ray

“Ewan ko, complicated baka masaktan ko lang si Julia,” Sabi ni Arjay

“Kung mahal mo bakit mo sasaktan?” Tanong ni Jon Ray

“Sa tingin mo, pwedeng maging kami?” balik na tanong ni Arjay

“Ikaw lang makakasagot nyan, halata naman gusto mo din si Julia eh.” Sabi ni Jon Ray

Sa lalong madaling panahon ay niligawan nga ni Arjay si Julia, nagpakipot muna si Julia sa simula ngunit bumigay din ito pagkatapos ng dalawang buwan na panliligaw ni Arjay, dahil highschool pa lamang ay crush na din naman nya si Arjay. Madalas ay nag dadate sila kasama si Jon Ray at Jenny lalo na kapag libre ang oras nila sa school.

“Punta tayong arcade.” Pag-aaya ni Jenny

“Oo nga tara na.” pagsang-ayon ni Julia

“Maglalaro kami ng basketball, ikaw ano gagawin mo?” Tanong ni Jon Ray kay Arjay

“Ah sige go lang kayo.” Sabi ni Arjay

“Tara na, hayaan natin si Arjay.” Pag-aaya ni Jenny

“KJ ka talaga kahit kelan.”Sabi ni Jon Ray

Naglaro nga ng basketball si Jenny, Julia at Jon Ray, nagulat na lang sila ng pumunta si Arjay sa token both at nagpapalit ng one hundred pesos na baryang tig pipiso. Nagsimulang maglaro si Arjay sa machine na hinuhulugan ng piso, dumami ang nanonood sa kanya dahil sa bawat hulog niya ng piso ay may lumalabas na ticket.

“Ay oo nga pala favorite nya yan at magaling sya dyan.” Sabi ni Jon Ray

“Wow! hidden talent.” Pagkamangha ni Jenny

“Oo nga kaya mahal ko yan eh.” Sabi ni Julia

Nang maubos ang barya ni Arjay ay kinuha nya ang mga ticket at nagpunta sa counter para ipabilang ang mga ito, pinapili nya si Julia kung saan nila ito ipapalit, pinili ni Julia ang dalawang kulay pulang baller bracelet na may nakalagay na I love you.

“Buti ka pa Julia may baller.” Inggit na sinabi ni Jenny

“Oh bakit, ano ba nakuha ng ticket ni Jon Ray?” Tanong ni Julia

“limang pirasong candy.” Sagot ni Jenny

“Wag ka na magalit sweet naman yan eh.” Sabi ni Jon Ray

“Kung kasing galing mo lang kasi si Arjay.” Sabi ni Jenny

“Haha wag na kayo mag-away swerte lang ako.” Sabi ni Arjay

“Ibibili na lang kita ng mas magandang bracelet dyan.” Sabi ni Jon Ray

“Yun naman pala eh, uy kinikilig sya.” Pang-aasar ni Julia

“Namumula si Jenny.” Puna ni Arjay kay Jenny

Sa paglipas ng mga taon sa college ay hindi naging madali ang pinagdaanan ni Arjay at Jon Ray, maraming reports, assignments, project at thesis ang kanilang hinarap, madaming puyat at pagod ang kanilang binigay para marating nila ang araw ng graduation.

Dumadaan sa malubak na kalsada ang relasyon ni Arjay at Julia, dahil pag naka graduate na si Julia ay kukunin sya ng tita nya Dubai upang doon magtrabaho.

“Pero pwede naman tayo mag-usap sa skype di ba?” Tanong ni Arjay

“Magiging complicated lang ang lahat.” Sagot ni Julia

“Hindi mo na ba ako mahal?” Malungkot na tanong ni Arjay

“Mahal kita, hindi naman na mawawala yun, pero we need to grow apart for us to find our own destiny.” Sabi ni Julia

“Biglaan naman yang desisyon mo, hindi ako ready.” Sabi ni Arjay

“Alam ko naman hindi ka sa’kin totoong magiging masaya, gusto ko makilala mo yung totoong mamahalin mo.” Sabi ni Julia

“You mean, alam mo, pero teka, paano?” Naguguluhang tanong ni Arjay

“Minahal kita Arjay, hindi sa kung ano yung pinapakita mo harap ng ibang tao, minahal kita kung ano ka ‘di mo na kailangan pang aminin.” Sagot ni Julia

“Sorry Julia, pero never kitang niloko promise.” Sabi ni Arjay

“Alam ko yun, it’s just that I want you to be happy, at alam ko din hindi ako yung taong makakapag pasaya sa’yo ng lubos.” Sabi ni Julia

“Mahal kita Julia, ikaw lang ang babaeng minahal ko ng ganito.” Sabi ni Arjay sabay yakap kay Julia.

Naghiwalay man ng landas si Arjay at Julia ay dala-dala naman nila ang kanilang natutunan at masayang alaala sa isa’t-isa.

Dumating na din ang pagkakataon na papasok na sa trabaho ang magkaibigan, nagpasya silang umupa ng isang apartment na malapit sa kanilang trabaho, ayaw na talaga atang maghiwalay ng dalawa dahil pati sa trabaho ay iisa ang kumpanyang kanilang pinasukan.

“Wala ka talagang balak humiwalay sa’kin.” Sabi ni Jon Ray

“Ay sorry nakakahiya naman.” Sabi ni Arjay

“Biruin mo magkasama na tayo sa iisang company tapos sa iisang bahay.” Sabi ni Jon Ray

“O, tapos anong meron?” Tanong ni Arjay

“Para na tayong mag-asawa ha,ha.” Sabi ni Jon Ray sabay hagalpak ng tawa

“Yuck! Hindi ka ba nasusuka sa mga sinasabi mo.” Nandidiring sinabi ni Arjay

“Kunwari ka pa, if I know kaya after nyo magbreak ni Julia wala ka pa naging GF ulit kasi ako talaga hinihintay mo.” Pang-aasar ni Jon Ray sabay akbay kay Arjay

“Iligo mo yan, nakakarimarim ka.” Sabi ni Arjay sabay alis ng pagkaka akbay ni Jon Ray sa kanya.

“Asawa na kita kaya ipagluto mo ako ng dinner.” Pang-aasar muli ni Jon Ray

“Bituka mong may sawa magluto kang mag-isa.” Sabi ni Arjay

Sa kanilang opisina ay madami silang nakilalang mga bagong kaibigan at kasama, isa na dito si Angela na naging kateam pa nila.

“Bago kayong dalawa di ba?” Tanong ni Angela

“Opo ma’am.” Sagot ni Arjay

“Good morning po.” Sabi ni Jon Ray

“Yuck, ma’am, Angela na lang mga bebe.” Sabi ni Angela

“Okay po.” Sabi ni Arjay

“Please drop the word po, nakakatanda eh, by the way friends na tayo ha if you need help I’m just here.” Sabi ni Angela

Ngunit sa pagdaan ng mga araw hindi naging maayos ang relasyon ni Jon Ray at Jenny, dahil masyadong naging busy si Jon Ray sa trabaho dahil na din sa bagong environment.

“Sana naman bigyan mo din ako ng panahon.” Sabi ni Jenny

“Ano pa bang gusto mo?” Tanong ni Jon Ray

“Alam ko busy ka dahil sa work, busy din naman ako, pero pag may free time ka naglalaro ka lang ng basketball, wala ka ng time sa akin, hindi ba ako kasama sa priorities mo?” Tanong ni Jenny

“Syempre kasama ka sa mga priorities ko.” Sagot ni Jon Ray

“Yes, isa ako sa priorities mo, but I’m sure I’m the least of them.” Sabi ni Jenny na naluluha

“Jen ano ba, mahal kita wag namang ganito.” Sabi ni Jon Ray

“Alamin mo muna ang priorities mo, hindi na nagwowork ‘to I’m breaking up with you.” Sabi ni Jenny bago nito iwan si Jon Ray

Natutong sumali si Arjay sa mga Clan na pang mga Bimale at gay, maka ilang ulit na din siyang nagkaroon ng karelasyong lalaki, pero karamihan ay sinasaktan lang siya at iniiwan. Samantalang si Jon Ray naman ay hindi na nagtatagal sa isang relasyon para siyang nagpapalit ng damit, wala na siyang seneseryosong babae mula ng mag break sila ni Jenny.

“Umiyak ka na naman.” Sabi ni Jon Ray sabay abot ng malamig na beer kay Arjay

“Hindi ah, inaantok lang ako.” Sabi ni Arjay sabay kuha ng beer

“Uy hindi yan tubig, dahan-dahan lang.” Sabi ni Jon Ray

“Bakit ganoon, ginagawa ko naman lahat pero lagi pa din ako iniiwan?” Tanong ni Arjay

“Kung ako na lang kasi minahal mo eh.” Sabi ni Jon Ray

“Mang-aasar ka na naman eh.” Yamot na sinabi ni Arjay

“O bakit, lugi ka pa ba sa’kin, gwapo, magaling magbasketball, stick to one.” Pagyayabang ni Jon Ray

“Hay naku isang bote pa lang lasing ka na ata dami mong alam.” Sabi ni Arjay.

“Pinapatawa lang kita.” Sabi ni Jon Ray

“Ikaw nga di mo nga pinapakitang malungkot ka pero halata namang di ka masaya.” Sabi ni Arjay

“Bakit napunta sa ‘kin ang bola, walang ganyanan, ikaw yung cinocomfort ko eh.” Sabi ni Jon Ray sabay lagay ng ulo ni Arjay sa balikat niya

“Kung sana naging straight na lalaki na lang ako, hindi siguro ganito buhay ko.” Sabi ni Arjay

“Wala sa kasarian ng tao kung bakit ka nila nagugustuhan, hindi lang kasi alam ng ibang tao yung totoong ikaw kaya di nila alam yung totoo mong halaga.” Sabi ni Jon Ray

Nang matapos silang mag-inom ay nagligpit na sila at naligo bago mahiga. Parehas silang di makatulog, habang nakahiga ay nagkwentuhan muna sila, may mga tanong si Jon Ray na labis na nagpalungkot kay Arjay.

“Paiba-iba ka na lang lagi ng GF, kumusta na kayo ni Cathy?” Tanong ni Arjay

“Masyado ka namang late, wala na kami nun.” Sagot ni Jon Ray

“Grabe ka naman.” Sabi ni Arjay

“Maiba ako, Arjay anong kinakatakutan mo?” Tanong ni Jon Ray

“Kinakatakutan ko?” Balik na taong ni Arjay

“Oo kilala kasi kita masayahin ka, pero alam ko din yung mga hinanakit mo, pero never mo sinabi sa’kin anong greatest fear mo.” Sagot ni Jon Ray

“Siguro takot akong mag-isa, yung darating ang panahon na walang nandyan para sa’ kin, tanggap ko naman lahat ng tao iiwan din ako, pero yung pagiging handa sa araw na yun ang kinakatakuan ko, yung mawawala ako sa mundo at walang makakaalala sa’kin.” Naluluhang sabi ni Arjay

“Never kang mag-iisa hangga’t nabubuhay ako, promise di ba walang iwanan, kahit ilang lalaki pa wumasak sa puso mo nandito ang balikat ko para iyakan mo at nandito ako para tulungan kang mabuo ulit yan.” Sabi ni Jon Ray

“Kahit na mag-asawa ka na ikaw pa din ang knight in the shinning armor ko?” Tanong ng umiiyak ng si Arjay

“Oo naman mahal na prinsepe, dito ka matulog sa bisig ko now para mafeel mong laging may taong hinding hindi ka iiwan.” Sabi ni Jon Ray

Nakatulog si Arjay sa bisig ni Jon Ray ng gabing iyon, naramdaman niya ang senseridad kay Jon Ray ng sinabi nitong hindi siya iiwan ng kanyang matalik na kaibigan kahit kailan.

Nang mga sumunod na araw sa kanilang opisina ay may bagong dating na empleyado, gwapo, matipuno at moreno, si Harvey at magiging bago nila itong ka team. Di maitatago kay Arjay na nagkakaroon siya ng pagtingin kay Harvey.

“Pwede bang tumabi sa inyo?” Tanong ni Harvey

“Sure, welcome sa team.” Sagot ni Angela

“Welcome bro, tara kain na tayo.” Pag-aaya ni Jon Ray

“Arjay, may itatanong sana ako sa’yo.” Sabi ni Harvey

“Oo sa’yong sayo ako.” Lutang na sinabi ni Arjay

“Hoy aga-agang kalandian!” Sabi ni Angela sabay kurot sa bewang ni Arjay

“Aray ko ano ba yun? Tanong ni Arjay

“Uhhm… wala sinagot mo na eh.” Sabi ng nahihiyang si Harvey

“What, balak mo bang ligawan ang best friend ko?” Gulat na tanong ni Jon Ray

“Oo sana kaso mukhang ayaw na nya.” Sagot ni Harvey

“Wait, did I just say tayo na?” Tanong ni Arjay

“Duh! Kasasabi mo lang sa’yong-sayo ako.” Pang-aasar ni Angela

Naging si Arjay at Harvey na nga, hindi naman tutol si Jon Ray pero pinagsabihan lang nya ang kaibigan na ingatan ang kanyang puso kasi sa oras na umiyak ulit siya ay mananagot si Harvey sa kanya.

Nagkaroon ng re-shuffle ng team, naging magkateam si Angela at Jon Ray samantalang si Harvey at Arjay naman ang naging magkateam. Nasa iisang department pa din ang magkaibigan pero hindi na sila laging magkasama katulad ng dati lalo na kapag magkaiba ang kanilang shift.

“O bakit ka malungkot?” Tanong ni Jon Ray

“Wala, mang-aasar ka na naman eh.” Sagot ni Arjay

“Don’t tell me dahil kay Harvey, kakausapin ko na yan.” Sabi ng galit na si Jon Ray

“Galit agad? wag na, lalo lang lalala yung away namin eh.” Sabi ni Arjay

“Alam mo yang BF namumuro na sa’kin, masasapak ko na yan.” Banta ni Jon Ray

“Tampuhan lang naman to, kakausapin ko na lang sya ulit pag malamig na ulo nya.” Sabi ni Arjay

“By the way lalabas ang team namin sa Saturday night isasama kita ha.” Pag-aaya ni Jon Ray

“Wag na baka magalit lalo si Harvey, inaya na din ako ni Angela, nag decline na ako.” Pagtanggi ni Arjay

“Ikaw bahala, masyado kang inalabao eh.” Sabi ni Jon Ray sabay alis

Nang Sabadong dumating ay umalis din ng bahay si Arjay para puntahan si Harvey sa apartment nito, para sorpresahin ang huli at makipag ayos na din. Kakatok na sana siya sa pintuan ng may marinig siyang kasama ni Harvey sa loob. Siya ang nasorpresa.

“Wala ka bang balak makipag bati kay Arjay?” Tanong ng kasamang lalaki ni Harvey

“Hayaan mo syang maghabol at magmukhang tanga.” Sagot ni Harvey

“Ang bad mo talaga.” Sabi ng lalaki

“Alam mo namang pustahan lang yung panliligaw ko sa kanya, ikaw lang ang baby ko.” Sabi ni Harvey

“Edi makipag break ka na nagseselos na ako.” Sabi ng lalaki

“Ano ka ba dadating tayo dyan, at siguradong mapapahiya sya sa buong company namin pag ginawa ko na yun haha” Sabi ni Harvey sabay tawa

Tanging luha lamang ang namutawi sa mukha ni Arjay, muli na naman siyang umasa at nasaktan dahil sa isang lalaki, hindi na niya nagawang kumatok pa para kausapin si Harvey tumakbo na lamang siya ng tumakbo kung saan man siya dalhin ng kanyang mga paa, di nya alintana ang malakas na buhos ng ulan, hanggang nakarating siya sa isang foot bridge na walang masyadong dumadaang tao, napatigil siya at napasigaw. Tatakbo na siyang muli ng madulas siya at muntikan ng mahulog sa foot bridge, isang kamay ang humila sa kanya para isya ay sagipin.

“Jon Ray?” Tanong ni Arjay

“Kanina pa kita sinusundan, pauwi na ako nakita kita tumatakbo, di mo ako napansin.” Paliwanag ni Jon Ray

“Please hinayaan mo na sana ako mahulog, ayoko na masaktan, ayoko ng mabuhay.” Sabi ni Arjay sabay tulak kay Jon Ray

“Wala na ba akong halaga sa’yo?” Tanong ni Jon Ray

“Jon Ray ang sakit sakit na paulit-ulit na lang.” Sagot ni Jon Ray

“Pwede bang ako na lang ang dahilan para mabuhay ka, nandito naman ako, di ba nangako tayong walang iwanan, paano na ako pag-iniwan mo ako.” Sabi ni Jon Ray sabay hila at yakap kay Arjay.

Umiiyak si Arjay habang napayakp na din siya kay Jon Ray sa ilalim ng lumuluha ding kalangitan. Umuwi sila ng kanilang apartment na basang basa sa ulan, habang naliligo sila para linisin ang kanilang mga katawan ay pinapagalitan ni Jon Ray si Arjay, sinabihan na wag ng uulitin ang ginawa nito, sumang-ayon naman si Arjay na din a nya ito uulitin ito. Nang gabing iyon ay mahimbing na ang tulog ni Jon Ray, samantalang si Arjay naman ay di makatulog, pinagmamasadan niya ang kanyang matalik na kaibigan, napaisip siya, sa dami ng lalaking nanakit sa kanya ay di nawala si Jon Ray sa tabi nya, hinahawi nya ang buhok ng kanyang matalik na kaibigan, sa di inaasang pangyayari ay akmang hahalikan sana ni Arjay si Jon Ray sa mga labi nito nang biglang…

“Angela… di ko na kayang pigilan ang sarili ko, dapat ko ng sabihin ito…” Nananaginip si Jon Ray

“Anong dapat nyang sabihin kay Angela?” Tanong ni Arjay sa kanyang isipan

Nang dumating na Lunes ay nagtaka ang lahat dahil hindi pumasok si Harvey, at lumipas ang ilang araw hindi pa din ito pumapasok, ang mga araw ay naging lingo, hanggang sinabi na lamang ng kanilang team leader na ito ay nag AWOL na.

“Jon Ray umamin ka nga, may ginawa ka ba bakit hindi na pumapasok si Harvey?” Tanong ni Arjay

“Oo, walang pwedeng kumanti sa’yo alam mo yan bata pa lang tayo.” Sagot ni Jon Ray

“Anong ginawa mo?” Nag-aalalang tanong ni Arjay

“Binigyan ko lang sya ng leksyon, wag ka mag-alala di na yun mangugulo.” Sagot ni Jon Ray

“Pinag-aalala mo ako eh, paano kung magreklamo yun sa mga pulis.” Sabi ng di mapakaling si Arjay

“Huwag kang mag-alala ang ginawa ko lang naman ay ipatikim sa kanya ang ginawa nya sa’yo.” Sabi ni Jon Ray

“What do you mean?” Tanong ni Arjay

“Nakipagkaibigan ako sa jowa nya tapos nag-iwan ako ng cctv camera sa kwarto nila, kitang kita yung kalaswaan nila, at tinakot ko siyang ikakalat ko yun kapag nagpakita pa sya dito.” Sagot ni Jon Ray

Nagfocus na lamang sa trabaho si Arjay pagkatapos ng nangyari sa kanya at kay Harvey. Nalalapit na ang kapaskuhan, abala na naman ang lahat sa mga Christmas party, handaan, at pagbili ng mga regalo. Napapadalas ang paglabas ni Angela at Jon Ray ng silang dalawa lamang, labis itong pinagtataka ni Arjay dahil dati ay inaaya naman siya ni Jon Ray paglumalabas sila, pero kalaunan ay hindi na. Nagkaroon ng exchange gift sa kanilang department, ibang tao ang nabunot ni Arjay, samantalang si Jon Ray naman ay nabunot si Angela.

“Samahan mo ako mamaya ha bili tayo ng gift para sa exchange gift.” Pag-aaya ni Jon Ray

“Himala ako inaya mo hindi si Angela.” Sabi ni Arjay

“Sya kasi ang nabunot ko, tapos siya isasama ko edi nalaman nya gift ko.” Sabi ni Arjay

“Ah kaya naalala mo ako bigla.” Sabi ni Arjay

“Nagseselos ka ba?” Tanong ni Jon Ray

“Selos your face.” Sabi ni Arjay

Nagpunta sila sa isang mall, napatingin si Jon Ray sa isang jewerly shop, nagandahan kasi siya sa mga hikaw at bracelet dito.

“Sa tingin mo anong bagay kay Angela dito?” Tanong ni Jon Ray

“Kayong dalawa bagay kayo.” Sagot ni Arjay

“Bakit ba ng taray mo tinatanong ka ng maayos eh.” Sabi ni Jon Ray

“Edi bilhan mo ng singsing, tapos ayain mong magpakasal.” Sabi ni Arjay Sabay walk out

Hindi sila nag-usap hanggang sa sila ay makauwi, nagtataka si Jon Ray bakit ganito ang pinapakitang ugali ni Arjay sa kanya, pinaalala na lamang niya kay Arjay na simula na ang simbang gabi, at dapat ay maaga silang gumising. Kinabukasan ay maaga silang nagpunta sa simbahan pero hindi agad pumasok si Jon Ray sa loob

“Mauubusan tayo ng upuan ano ba.” Sabi ng yamot na si Arjay

“Sandali na lang.” Sabi ni Jon Ray

“Sorry if nalate ako.” Sabi ni Angela

“What are you doing here?” Tanong ni Arjay

“Sinama ko sya para masaya di ba?” Sagot ni Jon Ray sabay akbay kay Angela

“Whatever, tara na magsisimula na ang misa.” Pag-aaya ni Arjay

Nasa gitna ni Arjay at Jon Ray si Angela, napapahikab pa si Angela dahil ito ay inaantok pa, nang kakantahin na ang Ama namin ay magkakahawak silang tatlo ng kamay, at nang matapos ang kanta ay piniga ng matindi ni Arjay ang kamay ni Angela tila may panggigigil ito.

“Ouch! Arjay masakit.” Nasaktan si Angela

“Arjay ano bang problema mo?” Pabulong na tanong ni Jon Ray

“Oppsss! Sorry force of habit kasi, ganyan kasi kami ni Jon Ray.” Sarcastic na paghingi ng sorry ni Arjay

“Namumula yung kamay ni Angela, para kang ewan” Sabi ni Jon Ray sabay hawak sa kamay ni Angela

“Shhh… quiet on going pa ang misa.” Sabi ni Arjay

“Tumigil na nga kayo para kayong mga bata ok lang ako.” Sabi ni Angela

Ganoon na nga ang nangyari kasama nilang magsimba araw-araw si Angela dahil gusto rin nitong maranasan ang makumpleto ang simbang gabi. Dumating ang araw ng Christmas party nila December 23 dalawang araw bago ang Pasko, parang aso’t pusa pa din si Arjay at Jon Ray, pero si Angela na ang gumawa ng paraan para magkaayos ang dalawa at nagtagumpay naman siya. Nang matapos ang party ay nauna ng umuwi si Arjay dahil pagod na siya, ihahatid lang daw muna ni Jon Ray si Angela dahil nalasing ito.

Hindi makatulog si Arjay dahil madaling araw na hindi pa umuuwi si Jon Ray hindi din ito sumasagot sa mga text o tawag niya. Oras na para magpunta ng simbahan, walang tulog si Arjay pero naligo siya at nagpunta sa simbahan mag-isa, tinext niya si Jon Ray na doon na lamang sila magkita, hanggang sa biglang nagring ang cellphone niya.

“Anong oras na nasaan ka ba?” Tanong ni Arjay kay Jon Ray

“Sorry hindi kita masasamahan nilalagnat si Angela hindi ko siya maiwan dito.” Sabi ni Jon Ray

“Anong hindi ka magsisimba, ano bang sinasabi mo?” Naguguluhang tanong ni Arjay

“Sorry talaga, sige na magsisimula na misa, pumasok ka na sa loob.” Sabi ni Jon Ray bago ibaba ang tawag

Pumasok sa loob ng simbahan si Arjay pero di tulad noon na lagi siyang nasa harapan pumepwesto ay nasa likod lamang siya at nakatayo, hindi siya sumasagot sa misa at sumasabay sa pagkanta, hindi rin niya tinanggap ang Banal na kumunyon, tulala lamang siya sa may pintuan ng simabahan, paulit-ulit na iniisp simula sampung taon sila ay kinukumpleto nila ang simbang gabi, walang taon na hindi nila ito nakumpleto, ilang taon ng pangako bigla na lang mapuputol ng ganun ganon na lamang.

December 24 na kaya wala na silang pasok sa opisina, umuwi si Jon Ray sa kanilang apartment pero wala doon si Arjay, nakita niyang wala ang bag na ginagamit nito pag umuuwi sila sa kanilang mga magulang, kaya nag imapake na din siya dahil baka nauna nang umuwi si Arjay, kakausapin niya ito para magpaliwanag.

Nang dumating siya sa kanilang lugar imbes na sa kanilang bahay dumirecho ay dumirecho siya sa bahay nila Arjay, dumaan daw doon si Arjay pero nagsabi sa kanyang mga magulang na aalis muna ito at sa simbahan na lamang sila magkita sa Misa de galio.

Agad nagpunta si Jon Ray sa taguan ng kanilang wish box, nakita nya ito at nandoon padin ang mga laman nito, napaiyak sya at napayakap sa box. Tinawagan niya ang kanilang mga dating classmate ng highschool, para itanong kung nakita nila si Arjay pero walang makasagot, sinubukan din niyang hanapin si Arjay sa mga posibleng tambayan nito o puntahan, pero wala pa din siayng napala.

Dumating ang oras ng misa de galio pero wala padin nagpapakitang Arjay, nasa misa si Jon Ray pero lumilipad ang kanyang isip palingalinga siya baka sakaling makita si Arjay sa dami ng taong nagsisimba, pero bigo pa din sya. Nang matapos ang misa ay pinauna na niyang umuwi ang kanyang mga magulang, nagsabi siyang makikipag kwentuhan lang muna siya sa mga dating classmate na nakita niya.

“Okay anak basta umuwi ka agad ha, mag cecelebrate pa tayo ng noche buena.” Sabi ng mommy niya

“Opo mom, I will po.” Sabi ni Jon Ray

Ang totoo ay nagbabakasakali lang siyang makita niya si Arjay, dahil labis na siyang nag-aalala para sa kaibigan. Hindi siya nabigo dahil maya-maya ay lumabas si Arjay sa simbahan ng mag-isa, agad niya itong nilapitan upang kausapin.

“Arjay pinag-alala mo ako, ano ka ba.” Sabi ni Jon Ray sabay yakap kay Arjay

“Jon Ray sorry nag-isip lang naman ako.” Paghingi ng sorry ni Arjay

“May gusto akong sabihin sa’yo.” Sabay nilang sinabi

“Sige mauna ka na.” Pagpapaubaya ni Jon Ray

“Sorry hindi ko alam kelan nagsimula ito, kung kelan ko ito naramdaman pero mahal kita Jon Ray, pero tanggap ko naman na si Angela yung mahal mo, sorry if nagselos ako, pero from now on hindi na, babalik na ang dati mong kaibigan.” Paliwanag ni Arjay

“Ha anong Angela, anong mahal?” Naguguluhang tanong ni Jon Ray

“Hindi ba, kayo na ni Angela, don’t worry kung siya ang nagpapasaya sa’yo ngayon okay na ako, basta masaya ka, hayaan mo na lang mahalin kita kahit di mo suklian.” Sagot ni Arjay

“Hahaha!” Natawa si Jon Ray

“May nakakatawa ba sa sinabi ko?” Tanong ni Arjay

“Sorry if nabigyan kita ng wrong impression, kaya lagi ko kasama si Angela kasi sa kanya ko lang nasasabi yung mga hindi ko masabi sa’yo kasi natatakot ako, mahal na mahal kita, kung kelan nagsimula di ko din alam, pero takot akong masira ang pagkakaibigan natin kasi alam ko naman never mo ako magugustuhan, sorry if lately iniiwasan din kita kasi feeling ko anytime sasabog na ako.” Paliwanag ni Jon Ray

“Pero akala ko kayo, akala ko secret on lang kayo, akala ko nga galit ka sa akin.” Sabi ni Arjay

“Puro ka akala, mahal kita Arjay di ba ako ang Knight mo.” Sabi ni Jon Ray

“Mahal din naman kita eh, kaya nga lahat ng wish ko sa box natin ay makasama kita palagi hanggang sa pagtanda natin, at lagi namang natutupad kasi di ka naman nawala sa tabi ko kahit saglit.” Naiiyak na sinabi ni Arjay

“Ito dala ko yung wish box natin.” Sabi ni Jon Ray

“Pero paano pa matutupad ang wish mo, di mo nakumpleto ang simbang gabi?” Tanong ni Srjay

“Hindi ko na kailangan makumpleto ang simbang gabi dahil ang hiling ko sa wish box natin ay ang makasama ka lang palagi hanggang sa pagtanda natin, at ang wish ko sana ngayong pasko ay maging akin ka na, di ko man nakumpleto ang simbang gabi ay ibinigay pa di Niya ang wish ko.” Sabi ni Jon Ray

“I love you my Knight.” Sabi ni Arjay

“I love you more aking prinsepe.”Sabi ni Jon Ray sabay halik sa mga labi ni Arjay

Kumalembang na ang kampana hudyat na araw na ng Kapaskuhan, araw ng kapasakuhan natagpuan ni Arjay at Jon Ray ang araw na hindi nila akalang darating pa. Kung minsan sa paghahanap natin ng pagmamahal ay hindi natin napapansin na nasa paligid lang pala natin sya di lang natin alam dahil madami tayong tanong sa ating isipan at nagpapadala tayo sa mga maling akala.

-Wakas-

-AKI LEE ZHOU-

Please leave your comments

Maayos ba ang pagkakasulat?

May dapat bang baguhin?

May dapat bang idagdag?

Salamat

Download NovelToon APP on App Store and Google Play

novel PDF download
NovelToon
Step Into A Different WORLD!
Download NovelToon APP on App Store and Google Play