English
NovelToon NovelToon

Troublemaker (Filipino/Tagalog)

Prologue

MABILIS ang bawat pag-atake ni Vaughn sa mga kalaban. Gamit ang kaniyang malalaking kamao, pinapatama niya ito sa mukha ng kaaway. Kahit pagod na siya sa pakikipaglaban ay patuloy pa rin siya sa pagbibigay ng suntok dito. Tagaktak na ang mga pawis niya mula sa noo hanggang leeg, may mga dugong nagkalat dahil sa pakikipaglaban.

"Boss! Sa likod mo!"

Mabilis na humarap si Vaughn at malakas niyang sinipa ang kalaban. Napaatras naman ito pero hindi iyon ang dahilan para tumigil ito sa pag-atake sa kaniya.

Ilang suntok muna ang pinakawalan niya bago ito tuluyang bumagsak. Napasuklay siya ng buhok gamit ang kamay habang habol niya ang hininga. Hindi pa nga siya nakakapagpahinga ay may mga sumusugod na naman sa kanila.

Anim lang sila at sobrang dami ng mga kalaban, bigla na lang silang sinugod ng mga black heads nang walang anumalya o pag-aalinlangan. Ano pa nga ba ang aasahan niya sa mga 'to kundi hanap lang parati ay gulo.

Sanay na siya sa mga 'to at sa dinamiraming p'wedeng gawin ay ito ang pinaka-gusto niya . . . ang makipagbasag ulo. Araw-araw ay lagi siyang napapasabak sa gulo at gustong-gusto niya 'yon.

Natutuwa siya kapag may mga gustong makipag-away sa kaniya. Weird mang pakinggan pero iyon talaga ang gusto niya.

Malakas niyang sinuntok sa mukha ang isang kalaban. Humarap siya sa kaliwa at sinuntok naman niya sa mata ang isa pang kalaban saka niya binali ang leeg bago ito tuluyang mawalan ng malay.

Humarap siya sa likod at mabilis niyang hinawakan sa braso ang isa pangkalaban bago niya ito inikot patungong likuran at saka niya tinuhuran ang likuran nito kaya napainda ito sa sakit.

Nang aatakihin siya ng isa pangkalaban na may hawak na balisong. Nginisian niya ito at hinamon niya pang palapitin gamit ang hintuturo niya.

Sumugod naman kaagad ito sa kaniya pero mabilis siyang nakailag mula rito bago niya sinapa nang malakas sa likuran ang kalaban. Napasubsob ito sa sahig at bago pa ito makabangon ay malakas niyang iniumpog ang ulo nito sa simento at tuluyang nawalan ng malay.

Nagpagpag siya ng kamay bago nagpatuloy sa pakikipaglaban.

"Acccckk!!"

Napabaling ang tingin niya sa kaibigan nang marinig niya itong umiinda. Mabilis niyang sinipa ang kalaban sa ulo kaya napabitaw ito sa kaniyang kaibigan.

"Ayos ka lang Rich?" tanong niya rito.

Habol nito ang hininga dahil sa pagsakal ng kalaban bago ito tumango sa kaniya.

Pinagpatuloy nila ang pakikipaglaban. Marami na silang napabagsak at pagod na rin sila pero hindi nila 'yon iniinda hangga't hindi pa nila nauubos ang mga kalaban.

"Wala man lang kahirap-hirap," reklamo ni Win.

"Sinabi mo pa. Ang hihina naman pucha! Lakas makasugod wala namang binatbat. Marami lang sila pero kung makipaglaban akala mong mga kinder. Ang lalamya pa," sang-ayon ni Ren habang umiiling.

Patuloy pa rin sila sa pakikipaglaban habang nangingisi siya sa mga sinasabi ng mga kaibigan.

"Buti pa si boss araw-araw nakakapag-exercise. At buti na lang sinama mo na kami ngayon. Nakapag-exercise rin kami sa wakas! Uhaw na uhaw pa naman ang kamao ko sa suntukan."

Tumingin si Luke sa kaniya kaya ngumisi siya rito.

"Gusto ko kasing mag solo," paliwanag niya.

Umiling naman ito habang natatawa bago nito sinuntok sa mukha ang kalaban.

Sa sobrang lakas ng impact no'n ay mabilis lang din nawalan ng malay ang kalaban.

"Nagugutom na ko," reklamo ni Luis.

"Hayaan mo, magsasaing ako para lang sa'yo," sabi naman ni Ren.

"Thanks bro."

"F*cking welcome," kumindat pa si Ren kay Luis.

N ᴀᴘᴀᴅᴀᴀɴ si Zeus sa masikip na iskinita at may naririnig siyang mga ingay mula ro'n. Nagsalubong ang dalawa niyang kilay nang makita niya ang mga lalaking nagrarambulan. Nagtago siya sa halamanan kung saan hindi siya makikita ng mga ito.

Kinuha niya mula sa bulsa ng pantalon ang cellphone saka niya ito vinideo-han para in case ay may hawak siyang ebidensya.

Napatingin siya sa isang lalaking sobrang bilis kumilos. Napanganga siya sa bawat galaw nito sa pakikipaglaban dahil sa sunod-sunod nitong mga atake.

"Nagugutom na ko," reklamo ng isa.

"Hayaan mo, magsasaing ako para lang sa'yo," tugon ng isa.

"Thanks bro."

"F*cking welcome."

Ang weird nilang magbatuhan ng salita pero ang lalakas naman ng mga suntok na binibigay nila sa mga kalaban.

Napailing na lang si Zeus ng palihim saka niya pinagpatuloy ang pagkuha ng video. Halos lahat ay napabagsak nila nang walang kahirap hirap.

Hanggang sa natapos ang mga ito sa pakikipagsuntukan.

"Yown! Sa wakas makakakain na rin!" sigaw ng isang lalaki habang nag-iinat.

"Taragis 'yan Luis, kakakain mo lang kanina ah?"

"Natagtag ako ngayon Win kaya kailangan ko ulit kumain."

Nailing sa kaniya ang kasamahan.

"Tara na nga para makapagsaing na ko," sabi ng isa.

"Buti pa si Ren may concern sa akin. Ikaw, wala!" singhal niya ro'n sa Win.

Napatingin si Zeus sa lalaking hinihilot ang sariling balikat. Nangalay siguro sa pakikipaglaban.

Hindi niya napansin na may langgam pala sa p'westo niya kaya napasigaw siya dahil sa daming kumakagat na langgam mula sa kaniyang paa.

"A-aaraaayy!" sigaw niya habang nagpapagpag.

"Mukhang may natitira pangkalaban."

Napaangat ang kaniyang tingin nang marinig niya ang isang m'yembrong nagsalita at lahat sila ay nakatingin na sa kaniya.

Napalunok siya nang wala sa oras dahil sa kaba na baka pati siya ay madamay sa kaguluhan. Tama nga ang sinabi ni Rem kay Cell.

'Ang kuryusidad mo ang magpapahamak sa'yo.'

"Tuloks! Mukhang hindi naman siya kasama sa m'yembro ng black heads," sabi ng isa at binatukan ang Win.

"Ang lakas no'n Rich!" reklamo nito.

"Para magising 'yang diwa mo," ngumisi ito sa Win.

Bumaling ulit ang tingin niya sa lalaking nagpanganga sa kaniya kanina. Nakatingin pa rin ito sa kaniya at parang sinusuri siya. Sa uri ng tingin nito ay parang nanliliit siya, hindi siya makatingin ng matagal sa mga mata nito.

Marunong naman siyang makipag basag-ulo pero ramdam niyang mas malalakas ang mga ito kumpara sa kaniya at kitang-kita niya 'yon kanina. Pinagpapawisan tuloy siya ng malamig dahil sa kaba. Baka mawala ang g'wapo niyang mukha kapag sinuntok siya ng mga ito.

"Sino ka?" tanong nito sa kaniya.

"Boss, hayaan na natin siya. Mukhang 'di naman 'yan lalaban."

Boss pala nila ang lalaking ito. Kaya pala gano'n na lang ito makipaglaban kanina.

"Sino ka?" mariin nitong ulit sa kaniya.

"Ako si Zeus," ginawa niya ang lahat para maging normal lang ang pakikipag-usap niya rito.

"Ano'ng ginagawa mo rito?" nakataas na ang kilay nito sa kaniya.

Parang naaalala tuloy niya si Rem sa lalaking 'to pero mas malala naman ito kumpara sa kaibigan niya.

"Napadaan lang. Bakit, sa inyo ba 'tong gusali?" mariin at sarcastic niyang tanong.

"Whooaaa! Lakas niyang barahin si boss, hindi nga natin magawa 'yan sa kaniya e," bulong ng Rich sa Ren.

Tumango-tango naman ang boss nito sa kaniya bago ulit ito nagsalita.

"Hindi naman pero bakit ka nandito?"

"Napadaan nga lang," irita niyang sabi.

"Ah, talaga?" sarcastic din nitong tanong at lumapit ito sa kaniya.

Nagbigay ito ng isang hakbang na distansya mula sa pagitan nila bago nito hinablot ang cellphone niya at ipinakita sa kaniya ang video.

"Eh kung gano'n, ano 'to?"

Napalunok naman siya sa sariling laway.

"Sagot!"

Napapikit siya ng mariin nang bigla itong sumigaw. Nakakuyom na ang kamao niya at nagtatagis na rin ang panga.

"Wala kang pakialam."

Ngumisi naman ito sa kaniya pero mas dumilim pa ang tingin nito. Hinagis nito ang cellphone niya sa isa nitong kaibigan at mabilis naman nitong nasalo ang cellphone bago binura ang video.

"Isang pagkakamali mo lang. May kalalagyan ka," pangbabanta nito sa kaniya bago nito binunggo ang balikat niya at naglakad ito palayo.

Pero bago 'yun, may pahabol pa siyang salita.

"Kung ang pananakit ng tao ang kaligayahan mo. Bakit hindi mo rin ako saktan?" mahinahon niyang tanong.

Sumagot naman ito sa kaniya.

"Hindi ka naman kasali sa kaligayahan ko, pero kung gusto mong sumali. Hahayaan na rin kitang makapasok."

At tuluyan na itong umalis kasabay ng mga kasamahan nito at saka ibinalik sa kaniya ang cellphone.

Chapter 1

Zeus' POV

MAGKASABAY kaming pumasok ni Cell sa classroom at naabutan naming nagchi-chismisan ang mga kaklase namin. Wala naman akong interest makinig sa kung ano ang pinag-uusapan nila pero sadya talagang malalakas ang kanilang boses at daig pa ang naka-microphone.

Umupo na kami ni Cell sa sariling upuan. Nagtanong siya sa akin kung may nagawa ba akong report ngayon at dahil sa takot namin sa terror teacher ay s'yempre, gumawa ako.

"Oo, kahapon gumawa ako."

"Same, siguradong mamamahiya na naman si ma'am kapag walang gumawa sa pinapagawa niyang report."

"Sinabi mo pa."

Balak ko sanang makipag-usap pa kay Cell pero may ginagawa na siya ngayon kaya naisipan ko na lang munang mag cellphone tutal wala pa naman 'yong teacher namin para sa first subject.

"'Te! Ang g'wapo nila 'no? Nakita ko kanina at ang sabi, bagong transfer sila rito! Ang s'werte natin!"

"Hala! True ba?"

"Gaga, Oo!"

"Sana maging kaklase natin kahit isa man lang sa kanila 'no? Para araw-araw na 'kong papasok sa school!"

Napailing na lang ako sa mga kaklase kong babae na nag-uusap tungkol sa bago raw na transfer. Hindi na rin bago ang ganito nilang reaksyon. Kapag may bagong mukha talaga ay pag-uusapan at pagkakaguluhan pero 'pag naglaon ay mawawala rin sa kanilang sistema.

Pinagpatuloy ko na lang ang pag-scroll ko sa facebook at hindi na lang pinansin ang mga malalakas nilang boses habang nagchi-chikahan. Nagsalubong ang kilay ko nang mag-pop ang mukha ni Rem sa cellphone ko. Nag-chat na naman ang loko at mukhang iritado.

Rem:

'Wag mo nang daldalan mamaya si Cell.

Kumunot ang noo ko at nilibot ang paningin at nahagip ko naman siya sa kabilang classroom na nakatingin sa amin ni Cell. Salubong ang kaniyang kilay at ang natural niyang istriktong mukha ay nakapirmi sa kaniya. Napailing na lang ako at hindi sinunod ang kaniyang gusto. Ngumisi ako sa kaniya para mas lalo siyang mainis.

Kinalabit ko si Cell kaya napatingin siya sa akin. Alam kong pinapanood kami ni Rem sa kabilang classroom kaya hindi ko mapigilang mapangisi. Hindi pa rin nagbabago si Rem. Seloso pa rin pagdating kay Cell. Lihim akong napailing.

Kung dati ay gusto ko talaga si Cell pero no'ng malaman kong gusto rin siya ni Rem ay hinayaan ko na lang. Mas gusto ko na lang nakikitang siyang naiinis para tuluyan na siyang makaamin sa nararamdaman niya para kay Cell at ang plano ko naman ay naging matagumpay. Kaya naman, masaya ako na naging sila.

Mga bata pa lang kami ay alam ko na agad kung bakit laging galit at iritado sa akin si Rem hanggang ngayon. Pero masasabi kong mas okay na kami ngayon kumpara sa dati, no'ng hindi pa sila ni Cell. Matagal ko na rin gustong makipag-kaibigan kay Rem pero dahil sa selos niya ay hindi ko magawang makipag-kaibigan. Pasalamat na lang ako dahil nand'yan si Cell.

"Bakit?" takang tanong niya sa akin.

Ngumiti ako sa kaniya at umiling.

"Gusto sana kitang yayain ngayong lunch, sabay naman tayo. Parating kayo na lang ni Rem," nakanguso at nagtatampo kong sabi.

"Edi sumabay ka na lang sa amin."

"Sa tingin mo ba, gugustuhin ni Rem na sumabay ako sa inyo?" may pagtatampong saad ko.

"Kakausapin ko siya."

"Baka mag-away kayo?"

"Hindi 'yan, wala naman siyang magagawa at saka, bakit nga pala hindi ka sumasabay sa amin tuwing lunch?" takang tanong niya.

"Gusto kong sumabay, pero 'yong mga titig ni Rem. Hindi ako matutunawan dahil sa sama niyang tumingin."

"Parati namang gano'n 'yon."

"Ang sabihin mo, seloso talaga ang boyfriend mo pagdating sa'yo. Kahit naman no'ng mga bata pa lang tayo ay parating iritado sa akin."

Natawa naman si Cell at nailing.

"Hindi ka pa ba sanay kay Rem?"

"Dapat ba akong masanay?"

"Oo, kasi mula ngayon. Kung sino ang kaibigan ko ay dapat kasundo o kaibigan niya rin."

"Eh, paano kung 'di kami magkasundo?"

"Edi maayos na pakikitungo o pakikisama na lang kung gano'n."

"Sa tingin mo gagawin 'yan ni Rem sa akin?" nakangiwing tanong ko.

"Bakit hindi?"

"Talaga lang ah?"

Bago pa siya makapagsalita ay tinuro ko na agad sa kaniya ang pintuan ng classroom namin. Kung na saan si Rem at suot-suot na naman niya ang iritadong mukha. Masama na naman ang tingin niya sa akin pero alam kong normal lang 'yon dahil binibigyan ko siya ng dahilan para b'wisitin. Nginisian ko siya nang magkatinginan kami kaya lalong naging iritado ang ekspresyon ng mukha niya.

Agad namang tumayo si Cell para lapitan ang boyfriend sa pintuan ng classroom. Nag-umpisa na silang mag-usap at kung minsan ay tumitingin ang iritadong mukha ni Rem sa akin at mukhang pinag-uusapan na nila akong dalawa. Umiling na lang ako at muli kong itinutok ang atensyon ko sa cellphone at nag facebook.

Kumunot ang noo ko nang may mag-notif sa account ko. May nag friend request sa akin. Hindi ko na tiningnan ang profile niya at wala naman akong interest lalo na't lalaki naman ang nag friend request. Nagkibit na lang ako ng balikat at in-accept ko ang request. Gawain ko na rin naman ito, kapag lalaki ang nag friend request which is kakilala ko or kilala ako kaya pinagkikibit ko na lang ng balikat pero kapag babae, s'yempre auto check ng profile at status. Kapag satisfied naman ako sa timeline, in-aaccept ko agad.

"Vaughn Lewis," banggit ko sa pangalan.

Tinagilid ko ang ulo ko para mag-isip kung may kakilala ba akong Vaughn Lewis pero wala akong matandaan na may kilala akong ganiyan ang pangalan. Ni-apelido ay hindi familiar sa akin. Baka siguro ay kilala niya ako kaya siya nag friend request. Hindi ko na lang pinansin bago ko binalik sa bulsa ang cellphone.

Bumalik na rin si Cell sa upuan niya at bumalik na rin si Rem sa classroom nila. Magtatanong na sana ako kay Cell kung ano ang na pag-usapan nila ni Rem dahil alam ko namang tungkol 'yon sa akin pero biglang pumasok na ang first subject teacher namin. Nagtayuan kami para agad siyang batiin, binigyan naman niya kami ng magandang ngiti sa umaga kasunod niya ang isang lalaking familiar sa akin.

Mukhang ito na ang sinasabi ng mga kaklase kong babae na transfer dito sa eskwelahan.

Ang nakangiti kong labi ay unti-unting napawi nang mamukhaan ko ang lalaking nasa harapan ngayon. Kahit hindi naman mainit sa loob ng classroom ay tila ba'y bigla akong pinagpawisan. Napalunok ako ng laway nang magtama ang tingin namin. Nagtagis ang panga ko habang siya naman ay napakagat sa ibabang labi at wala sa sariling napangisi sa akin.

Chapter 2

Nakipagtitigan siya sa akin hanggang sa ako na ang bumawi ng tingin dahil pinaupo na kami ni Ma'am Elena. Muli akong tumingin sa harap dahil ang lahat ay nakatingin pa rin sa kaniya. Ang iba kong kaklaseng babae ay tila ba'y nangingisay dahil sa kilig. Nagsalubong ang kilay ko nang makitang nakatingin pa rin siya sa akin. Hindi ako komportable sa mga titig niya. Nagtiim ang kaniyang panga bago tumingin kay Ma'am Elena nang kausapin siya nito.

"You may now introduce yourself, Mr. Lewis."

Para akong binuhasan ng malamig na tubig sa narinig ko.

Lewis?

"I am Vaughn Lewis. Nice to meet you," malamig niyang sabi habang nakatingin pa rin sa akin.

Halos manindig ang balahibo ko sa sinabi niya. Kahit sobrang ikli lang no'n ay agad kong nakilala ang pangalan niya.

Bakit niya ako in-add sa facebook. Tumaas ang kilay ko para mag-iwas siya ng tingin sa akin pero hindi niya ginawa.

Ano bang problema ng isang 'to?

Nag-iwas lang siya ng tingin nang tawagin ulit siya ni Ma'am Elena.

"You may now take a seat."

"Where?" tanong niya.

"Behind with Mr. Voldemort," sabay turo ni Ma'am Elena sa akin.

Napatingin ulit siya sa akin at nang makitang ako ang tinuro ni Ma'am Elena ay ngumisi siya sa akin. Naglakad na siya papunta sa akin, pasimple niya pa akong nilingon bago siya umupo sa likuran ko.

"Zeus," tawag atensyon ni Cell sa tabi ko.

Bumaling ako ng tingin sa kaniya.

"Kilala mo?" taka niya ring tanong.

Umiling naman ako.

"Hindi," bulong ko pabalik sa kaniya dahil magkatabi lang naman kami.

"Bakit grabe makatingin sa'yo? May atraso ka ba sa kaniya?" litong-lito niyang tanong.

"W-wala, hindi ko alam," nauutal kong sabi.

Buti na lang at nag-umpisa nang mag-discuss si Ma'am Elena dahil ramdam kong may katanungan pa siyang sasabihin. Sinubukan ko na lang makinig kahit hindi ako komportable. Pakiramdam ko'y hanggang ngayon nakatingin pa rin siya sa akin kahit nakatalikod ako sa kaniya. Hindi ako mapakali kaya kahit anong pilit kong pakikinig kay Ma'am Elena ay lumalabas lang din sa kabila kong tainga.

Naikuyom ko ang aking kamao na nasa ibabaw ng aking lamesa. Kinuha ko ang ballpen ko na nakalagay lang din doon. Pasimple kong hinulog 'yon sa sahig mula sa gilid ng lamesa. Balak kong tingnan siya kung talaga bang nakatingin pa rin siya sa akin. Yumuko ako para kunin ang ballpen na hinulog ko pero sabay namin 'yon pinulot kaya nauntog ang noo ko sa noo niya. Napadaing ako dahil medyo malakas ang pagkakauntog ko sa noo niya. Mariin akong napapikit.

"Hayst!" daing ko.

Nakita ko lang siyang ngumisi bago niya inabot sa akin ang ballpen. Umayos na lang ako ng upo habang hinihilot pa rin ang sariling noo. Ilang minuto pa ang lumipas na hindi ako komportable kaya nagtaas ako ng kamay para kunin ang atensyon ni Ma'am Elena.

"Yes, Mr. Voldemort?"

"May I go out? Mag cr lang po."

"Go ahead Mr. Voldemort."

"Thanks, Ma'am Elena."

Tumayo ako sa pagkakaupo at pasimple akong tumingin sa likuran ko at nakita kong nakatingin pa rin siya sa akin.

Tang*nang titig 'yan!

Kung nakakatunaw lang ang titig, paniguradong tunaw na ako ngayon. Malalaki ang hakbang ko palabas ng classroom. 'Tsaka lang ako nakahinga ng maluwag nang makalabas na ako. Dumiretso ako sa restroom para na rin makaihi. Napabuntong hininga ako nang makapasok na ako sa banyo.

Naghilamos muna ako ng mukha para pakalmahin ang sarili. Tumingin ako sa salamin ng ilang segundo.

"Ano bang nangyayari sa'yo?" tanong ko sa sarili habang nakatingin sa salamin.

Napailing na lang ako at umuhi sa nakahilerang bowl. Parang umurong ang ihi ko nang biglang sumulpot sa pintuan si Vaughn at pumasok na rin sa restroom. Dumiretso siya sa sink at naghugas ng kamay. Nagkatinginan kami sa salamin bago siya ngumisi. Lumapit din siya sa nakahilerang bowl saka siya tumingala bago umihi.

Kaming dalawa lang ang nandito sa restroom. Napailing na lang ako at nag-iwas na ng tingin sa kaniya. Ang weird niyang umihi. Nakatingala siya ng bahagya at nakapikit. Kailangan pa bang pumikit bago umihi?

Nagulat ako nang bigla siyang nagsalita kaya bumaling ako ng tingin sa kaniya na nakatingin na rin pala sa akin.

"Hindi mo na ba kinaya ang titig ko kaya ka naihi?" tumawa siya ng nakaka-insulto.

Hindi ako sumagot ng ilang segundo sa kaniya pero nakatingin pa rin ako sa kaniya at gano'n din siya. Mukhang hindi papatalo ang isang 'to sa titigan. Kaya ako na ang unang umiwas ng tingin.

"Yabang p*ta," bulong ko sa hangin.

Alam kong narinig niya ang sinabi ko dahil ngumisi siya. Tumingin ulit ako sa kaniya pero nag zi-zipper na siya ng pantalon. Napatingin ako sa leeg niya at nakita ko ang kaniyang tattoo. Maliliit na letter lang 'yon kaya hindi ko mabasa kung ano ang nakalagay. Napatingin din ako sa braso niya at may sumisilip na tattoo do'n pero hindi halata dahil sa manggas ng unipormeng nakaharang. Nag-angat ulit ako ng tingin sa kaniya at nakatingin na ulit siya sa akin.

Nagtiim siya ng panga kaya tinaasan ko siya ng kilay.

"Problema mo?" siga kong tanong.

"Ikaw, may problema ka ba?" tanong niya pabalik sa akin.

"Pake mo?" sarcastic kong tanong.

Ngumisi siya ulit at napailing sa sinabi ko.

"Para kang t*nga," natatawa niyang sabi.

Nakaramdam ako ng pagkainis sa sinabi niya. Sa uri ng pananalita niya ay parang nang-iinsulto siya.

"Ano'ng sabi mo?" seryoso kong sabi habang nagtitiim ang aking panga.

"Bingi ka?" sarcastic niyang sabi.

Ramdam ko ang pagkuyom ng kamao ko. Isang salita na lang niya ay talagang papatulan ko na ang isang 'to. Lumalalim na rin ang paghinga ko sa nararamdang galit para sa kaniya.

Aalis na lang sana ako sa restroom dahil kapag nagsalita pa siya ay sasabog na ako. Hindi ko na mapipigilan ang sarili ko kung magsasalita pa siya.

"Duwag."

Napatigil ako sa paglalakad palabas ng restroom. Mariin akong napapikit at hindi ko na nga napigilan ang sarili ko at agad ko siyang kwinelyuhan. Hindi pa ako nakuntento at inidikit ko siya sa pader pero ang ngisi sa mga labi niya ang sumalubong sa galit kong hitsura.

"Are you mad now?" nang-aasar niyang tanong.

Ganito ba ang nararamdaman ni Rem sa tuwing inaasar ko siya? Ngayon ko lang naramdaman 'yong ganitong pang-aasar. Lalo lang akong nainis sa tanong niya idagdag pa ang nakangisi niyang labi.

Nakakaasar p*ta!

"Ano bang problema mong tang*na ka?!" sigaw ko sa kaniya.

"Wala akong problema, pero baka ikaw. Mayroon," mahinahon niyang sabi habang nakatingin sa labi ko?

"Sinong duwag ang sinasabi mo? tarant*do!"

Tumawa siya ng nakakaasar. Ganito ba talaga siya makipag-usap? Nakaka-tang*na?

"Do you want trouble with me?" nang-iinsulto niyang tanong.

"Kapag hindi ka pa tumigil, susuntukin ko na 'yang mukha mo!" galit kong sigaw.

Ramdam kong nanginginig na ang kamay ko dahil sa galit. Nasa k'welyo niya pa rin ang dalawa kong kamay habang nakadikit pa rin siya sa pader. Bigla siyang tumawa ng nakakaasar.

"Tang*nang 'yan, susuntok na lang. Nagpapaalam pa. Are you threatening?" nakaka-insulto niyang sabi.

Sa isang iglap isang malakas na suntok ang ibinigay ko sa kaniya. Bumagsak siya sa sahig pero hindi siya natinag. Tumingin siya sa akin habang nagpupunas ng dugo sa gilid ng kaniyang labi. Ngumisi siya sa akin.

"'Yon na ba ang malakas mong suntok?" natatawa niyang tanong.

Nagtiim ang bagang ko bago ko siya k'winelyuhan patayo at idinikit ulit sa pader.

"Are you a devil, huh?" sarcastic kong tanong sa kaniya. "Hindi ko alam kung ano ang problema mo sa aking g*go ka pero hindi na kita papatulan, paniguradong mapapahamak lang ako lalo na't nandito tayo sa eskwelahan."

"Kung gusto mo, sa labas tayo ng eskwelahan."

Kumukulo na ang dugo ko sa kaniya 'tsaka ko siya marahas na binitawan. Ramdam ko pa rin ang panginginig ng kamay ko dahil sa galit.

"Wala akong panahon sa'yo," mariin kong sabi sa mukha niya bago ako lumabas ng restroom.

Nakakuyom pa rin ang kamao ko habang pabalik sa classroom. Nang makabalik ako ay busy pa rin si Ma'am Elena sa pag-discuss.

"Ayos ka lang?" nag-aalalang tanong ni Cell sa akin.

Medyo kumalma naman ako sa tanong niya pero sa tuwing na iisip ko ang lalaking 'yon ay kumukulo na naman ang dugo ko. Tumango ako sa kaniya.

"Oo, ayos lang ako," seryoso kong sabi.

Ilang sandali lang ay pumasok na rin si Vaughn. Napatingin pa siya sa kinauupuan ko pero hindi ko siya tinabunan ng tingin dahil ayoko nang makita ang nakangisi niyang labi na parang iniinsulto ang buong pagkatao ko.

Download NovelToon APP on App Store and Google Play

novel PDF download
NovelToon
Step Into A Different WORLD!
Download NovelToon APP on App Store and Google Play