The Kingdom Of Norland
"Hoy, Zariya! Ano na naman bang iniisip mo r'yan? Kanina pa ako nagk'we-k'wento pero wala ka man lang kaimik-imik. Nakikinig ka ba?" Agad akong napalingon sa kaibigan kong si Kaith na halos sumigaw na ito sa tabi ko.
Kasalukuyan kaming naglalakad patungo sa library habang nagk'we-k'wento siya tungkol sa lalaking naka-chat niya kagabi. Hindi ko nga narinig lahat. Basta ang alam ko lang, isang engineering student sa kabilang University ang tinutukoy nito. Sana lang talaga ay 'di na naman ito ma-ghost katulad ng ginawa sa kaniya ng mga nakaharutan niya.
"Ha? Ano nga ulit?" Sinamaan niya ako ng tingin nang tanungin ko ito dahil ibig sabihin, 'di talaga ako nakinig. "Sorry na. Iniisip ko kasi 'yong napanaginipan ko kagabi."
Sumagi na naman sa 'king isipan ang panaginip kong 'yon. Napapadalas ang pagdalaw nila sa panaginip ko. Hindi na ito coincidence lang kasi halos gabi-gabi, sila ang laman ng panaginip ko. Naguguluhan na ako! Ano bang ibig-sabihin ng panaginip na 'yon? Sino ba sila? Sino ba sila sa buhay ko?!
Binilisan niya ang paglakad at pumaharap sa 'kin. Natigilan naman ako dahil nasa harapan ko na siya ngayon.
"Omg, don't tell me, napanaginipan mo na naman ang limang prinsipe?" Napatakip pa ito ng bibig na akala mo naman gulat na gulat. Eh, halos araw-araw naman nagk'we-k'wento ko sa kaniya ito.
Tanging pagtango lang ang sinagot ko. Nagsimula na ako ulit maglakad at nilagpasan si Kaith. Sumunod naman siya sa 'kin. Matapos ang ilang hakbang ay nasa tapat na kami ng library. Tinignan muna namin kung may vacant na upuan pa at dahil 10 AM pa lang naman, 'di ganoon karami ang estudyanteng nakatambay. Pumunta na kami sa lamesang nasa gilid ng pinto kung sa'n nakapatong ang log book. Nag-sign na kami tsaka inilapag ang dala naming bag sa isa pang lamesa na naro'n. Ang tanging kinuha lang namin ay ang cellphone, wallet, isang notebook at ballpen. Nagtungo na kami sa lagayan ng accounting books. Inisa-isa ko ang mga ito para mahanap ang librong kailangan ko.
"Hindi kaya kakapanood mo ng mga Korean Drama's or Thai Drama's kaya mo sila napapanaginipan?" Tanong ni Kaith na kasalukuyang nakasandal sa bookshelf.
"Hindi na ako nanonood ng drama's." Ang tagal ko na hininto ang panonood nito dahil sobrang hassle ng schedule namin ngayon. Imbes na ilaan ko sa panonood ay nagre-review or advance reading na lang ang ginagawa ko.
"Edi ano ang ibig-sabihin ng panaginip mo? Imposible namang magkakatotoo 'yon like duh?! Nasa modern world na tayo unless may time machine para bumalik ka sa sinaunang panahon," wika nito sabay halakhak. Pinigilan ko naman siya sa pagtawa ng malakas dahil masisita kami. Baka nakakalimutan niya, nasa library kami ngayon.
"Imposible talaga," ani ko.
Itinuon ko na lang ang atens'yon ko sa paghahanap ng libro hanggang sa mahanap ko na ito. Ang problema ko, hindi ko ito maabot dahil nasa ika-apat na palapag ng bookshelf. Hindi ko 'to kayang abutin. Lumingon ako para sana magpatulong kay Kaith kaso wala na siya sa tabi ko. Wala rin naman akong makitang ibang estudyante dahil nasa pinakadulo ako.
"Paano ko 'to makukuha?" Bulong ko sa 'king sarili. Tumingkayad ako pero hindi pa rin ito sapat para maabot ang libro. Ba't kasi kinulang ako sa height? No choice ako. Wala naman sigurong makakakita sa 'kin at isa pa, 'di naman abot ng CCTV dito sa kinaroroonan ko. Tiniyak ko muna na walang makakakita sa 'kin bago ko pinatong ang mga paa ko sa ikalawang palapag ng bookshelf. Ingat na ingat ako dahil medyo madulas lalo pa't naka-stocking ako.
Sa wakas, naabot ko rin! Pero kung minamalas nga naman talaga ako, 'di ko nabalanse ang pagbaba ng paa ko sa sahig dahilan para madulas ako.
"Aray!" Napahiyaw ako nang maramdamang nauntog ang ulo ko sa sahig. Napapikit ako dahil sa sakit na inabot ko.
"Matagal pa ba siyang magigising? Mukhang himbing na himbing ang kaniyang pagkakatulog."
"Kilala mo ba ang binibini na 'yan?"
"Sa'n mo ba siya natagpuan, Nesh?"
Kahit nakapikit ay rinig ko pa rin ang pag-uusap ng mga taong sa pakiramdam ko ay nasa tabi ko lang. Lahat ng boses na aking narinig ay mula sa magkakaibang lalaki.
"Nakita ko siya sa isang puno na nasa ating hardin. Hindi ko mawari kung ano ang kaniyang ginagawa ro'n. Nagulat ako nang nahulog ito at nawalan ng malay."
Hindi ko pa rin minumulat ang mga mata ko. Ang sakit pa rin kasi ng likod at ulo ko dahil sa inabot ko mula sa pagkakadulas.
"Ang ipinagtataka ko, hindi siya kabilang sa ating mga kharim kaya paano't nakarating siya sa ating hardin?" Ang gwapo naman ng boses ng lalaking ito. Parang gusto ko na tuloy imulat ang mga mata ko para makilala ang lalaking nagsalita.
"Baka isa 'yang espiya!"
Kumunot ang noo ko. Espiya?! Doon ko lang narealized ang pinag-uusapan nila at ang mga boses ng mga nagsalita. 'Di pamilyar ang mga boses nila. Hindi ito ang mga kaklase ko. T-Teka, nasaan ako?!
Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata, "Ang gwapo!" Tukoy ko sa lalaking nakadungaw sa 'kin ngayon na bakas sa mukha ang pag-aalala.
"Gising na siya," saad ng lalaking mala-anghel ang mukha. Ito ang lalaking tinutukoy kong ang gwapo ng boses. Pati pala mukha ay gwapo rin. Kung pinagpala ka nga naman talaga, oh. Siguro no'ng bumaha ng kagwapuhan, isa siya sa mga lumangoy. Baka nga nag-dive pa siya.
May dalawa pang lalaking nakapalibot sa 'kin samantalang ang isa ay nakasandal malapit sa bintana at ang isa ay naka-upo sa isang upuan na naro'n. Limang lalaki na ngayon ko lang nakita sa tanang buhay ko. Base sa mukha at galanteng kasuotan nila, pamilyar na ngayon silang lahat sa 'kin. Alam ko na, tama! Sila ang limang prinsipeng nasa panaginip ko. Paanong nandito silang lahat sa harap ko?! Ito ba'y isang panaginip na naman?
Pero imposible. Kasama ko si Kaith kanina bago ako nadulas.
"Kaith!!!" Sigaw ko para tawagin ang kaibigan ko at alamin kung anong nangyayari.
"Ano ang iyong sinigaw, haya?" Mas lalong kumunot ang noo ko nang tawagin niya akong haya.
"Marahil ay malala ang inabot niya sa pagkakahulog kaya't naapektuhan din ang kaniyang pag-iisip, Ravi." Napabangon ako ng wala sa oras nang makita kong nakalutang na ngayon ang lalaking nasa tabi lang kanina ng tinawag niyang Ravi. Parang normal lang sa kaniya ang paglutang sa hangin. Hindi ko na alam ang nararamdaman at gagawin ko.
"Nesh, itigil mo na 'yan dahil mukhang nagulat sa'yo ang haya," pag-saway nito. Hindi lang ako nagulat, natatakot na rin ako ngayon. "Dern, kumuha ka ng maiinom niya para ito'y mahimasmasan." Tumango naman ang isa pang lalaking nasa gilid ko lang din.
Nanlaki ang mga mata ko nang biglang humaba ang kamay nito hanggang sa lumabas na sa pinto habang siya ay nanatili sa tabi ko. Ilang minuto lang ay bumalik na sa dati ang kamay niya na ngayon ay may dala ng isang baso ng tubig. Paano niya nagawa 'yon?!
Anong klaseng nilanglang sila?!
"May kaniya-kaniya kaming kakayahan kaya namin nagagawa 'yon," singit ng lalaking nakasandal malapit sa bintana. Nababasa niya ang nasa isip ko? "Oo, nababasa ko nga. Sino ka ba talaga?! Bakit tila hindi mo kami kilala?"
"Hindi ko talaga kayo kilala! Nasaan ba kasi ako?"
Tumayo ang lalaking kanina ay nakaupo. Lumapit siya sa 'kin at tinutok ang kaliwang kamay niya na biglang nag-transform. Ang kaninang kamay ay naging espada na. Hindi ako makagalaw kahit lumunok man lang dahil ang pinakadulong tulis ng espada niya ay nakatutok sa aking leeg. Isang galaw ko lang, gilit ang leeg ko.
"Isa ka bang espiya?!" Seryoso siyang nakatingin sa 'kin. Ano bang espiya ang pinagsasabi niya? Ano ako, agent? Kasali sa mafia?!
Hindi ako makasagot dahil sa takot. Pinakalma naman siya no'ng mabait na lalaki. "Tama na, Cozen. Mukhang hindi naman siya isang espiya."
Tinapunan muna ako nito ng masamang tingin bago naupong muli, "Narito ka sa kaharian ng Norland, sa mundo kung sa'n walang imposible."
Norland? May ganito bang city sa Manila? Bakit 'di familiar sa 'kin?!
"Mukhang masama nga ang iyong inabot, haya. Mas mabuti kung manatili ka muna rito bilang isang kharim hanggang sa gumaling ka."
"K-Kharim?" Pang-uulit ko dahil hindi ko naintindihan ang salitang ginamit niya.
"Oo, kharim. Ikaw ay magiging isa sa aming mga taga-silbi."
Ako? Magiging taga-silbi ng limang prinsipeng ito na halos ikamatay ko kanina dahil sa kakaibang kakayahang taglay nila?! Hindi ko yata kaya. Ni 'di ko nga alam kung anong klaseng mundo ang mayroon sila.
Ano ba kasing nangyayari? Bakit ako napadpad sa kakaibang mundong ito?
Ayoko, ibalik niyo ako sa mundo ko!
***Download NovelToon to enjoy a better reading experience!***
Comments